国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Isang pangyayari sa summer na nais kong limutin, ngunit hindi ko magawang kalimutan 
SHIMOTAKE Chiyoko (SHIMOTAKE Chiyoko ) 
Gender Female  Age at time of bombing 24 
Year written 2009 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

●Buhay sa panahon ng digmaan
Ipinanganak ako noong 1921 sa nayon ng Tonoga (na binago sa pangalang Kake-cho at kasalukuyang tinatawag na Akiota-cho), sa lalawigan ng Yamagata, Hiroshima Prefecture.

Sa bandang 1940 o 1941, umalis ako sa bahay ng aking mga magulang at tumira sa bahay ng isang guro sa nayon ng Tsutsuga (kasalukuyang Akiota-cho) upang pag-aralan ang tea ceremony, pag-aayos ng mga bulaklak at iba pang mga pagsasanay sa tamang asal o etiquete sa ilalim ng isang guro na kilala sa pagiging mahigpit sa pagtuturo. Malaki ang naitulong nito sa aking buhay sa bandang huli. Pagkalipas ng ilang taon, matapos pumanaw ang guro, nakiusap sa akin ang tagapamahala ng edukasyon sa nayon ng Tsutsuga na ako ay pumalit bilang isang guro. Kumita ako mula sa mga lecture fees na binayaran ng pamahalaan ng Tsutsuga.

Sa pagkakataong ito, nakilala ko si Hisashi Kawamoto, ang pamangking lalaki ng Hepe o pinuno sa nayon ng Tonoga at nakasal kami noong Mayo 1944. Nakasal kami dahil sa personal na koneksiyon ng aking ama, na isang empleyado sa Tonoga Village Office. Pagkatapos naming ikasal, tumira kami sa bahay ng aking mga biyenan (biyenang lalaki na si Kamesaburo at biyenang babae na si Sekiyo) na malapit sa tulay ng Tsurumi sa Hijiyama-honmachi sa siyudad ng Hiroshima. Bagama’t may negosyo ang aking asawa sa pagbebenta ng relos, napilitan siyang magsara dahil may ilang mga tindahan na sa lugar namin at hindi na kailangan ang ganito karami sa loob ng bayan. Mahirap ang kalagayan sa digmaan, kung saan may kautusan na hindi kailangan ang dalawang full-time na maybahay para sa isang sambahayan at dapat magtrabaho ang mga babae. Sa sumunod na buwan pagkatapos ng aking kasal, nagtrabaho ako sa isang military arsenal sa Kasumi-cho, kung saan nagtatrabaho din ang aking biyenang lalaki.

●Bago mangyari ang pagbomba
Nasa nayon ng Tonoga rin ang bayang pinagmulan ng aking mga biyenan. Balak bumisita ng biyenan kong babae sa nayon ng Tonoga mula Agosto 3, subalit nagbago ang isip niya sa umagang iyon at sinabi sa akin na, “Mauna ka muna. Bibisita na lang ako doon sa panahon ng Obon at lalagi ako ng sampung araw.” Kaya pumunta ako sa bahay ng aking mga magulang sa nayon ng Tonoga mula Agosto 3 hanggang Agosto 5. Habang patawid ako sa tulay ng Tsurumi, hinabol ako ng biyenan kong babae at inabot sa akin ang isang payong na nasa mabuting kondisyon at sinabi na, “Iwanan mo ito sa bahay ng iyong mga magulang dahil hindi ko alam kung ano ang mangyayari kapag itinabi namin ito sa Hiroshima dahil sa patuloy na pagbomba.” Pagkatapos ay sinabi niya na, “Ikumusta mo na lang ako sa iyong tatay at nanay at siguruhin mong makabalik sa ika-lima.” Ito ang huling salitang binitiwan ng biyenang kong babae. Habang nakikinig ako sa kanya, hindi ko akalaing ito na ang magiging huling salita niya sa akin. Tuwing pumupunta ako sa bahay ng aking mga magulang, gustong-gusto kong tumagal doon hangga’t maari at magpahinga ng husto, kaya nagpasiya akong sumakay sa huling biyahe ng bus sa gabi ng ika-lima pauwi sa bahay namin. Pauwi na sana ako noon pero hindi ako pinayagang sumakay sa bus at tuloy bumalik na lang ako sa bahay ng aking mga magulang. Noong malaman ng aking ama na hindi ako nakauwi sa amin, pinagalitan ako ng aking ama at ang sabi niya, “Ang isang taong hindi marunong tumupad sa pangako ay walang silbi. Nakakahiya kina Ginoo at Ginang Kawamoto ang ginawa mo!” Sa ipinadala niyang telegrama sa mga Kawamoto, sinabi niya na, “Gagawin ko ang aking makakaya para siguruhing makauwi si Chiyoko bukas.”

●Mula Agosto 6 hanggang Agosto 9
Sa sumunod na araw (Agosto 6), bagama’t alam ko na kailangan kong lisanin ang bahay ng maaga sa umagang iyon dahil lumampas na sa araw na pinagkasunduan, naging mabagal pa rin ang kilos ko sa araw na ito. Kung sakaling lumabas ako ng maaga sa umagang iyon, siguro ay napatapat ako sa lugar na pinakamalapit sa binagsakan ng Atomic Bomb. Hanggang sa sumapit ang 8:15 ng umaga. Pagkatapos ng tila isang matinding kislap, nagkaroon ng malakas na tunog na para bang dumadagundong ang lupa. Paglipas ng ilang sandali, nagkalat sa himpapawid ang maraming piraso ng papel at mga nasunog na bahagi nito na may markang “Siyudad ng Hiroshima” sa wikang Hapon. Noong makita ko ito, naisip ko na siguro may nangyari sa Hiroshima. Pagkalipas ng ilang sandali, napag-alaman namin na talagang may nangyaring masama sa Hiroshima. Sinikap kong bumalik sa Hiroshima, subalit sinabi sa akin na mahirap lakarin ang ruta patungo sa siyudad, lalung-lalo na para sa mga kakabaihan at kabataan. Kaya nauna munang naglakad ang aking ama patungo sa siyudad ng Hiroshima para kumpirmahin ang kalagayan doon. Ayon sa kanya, pagdating niya sa dati naming tirahan sa Hijiyama-honmachi, nakita niya na nasunog na ang lahat. Sa pagitan ng mga natira ng sunog, natagpuan niya ang isang karatula kung saan nakasulat ang mensahe na, “Nasa dormitoryo kami sa arsenal.” Pumunta siya doon at natagpuan niya ang aking asawa at mga biyenan. Ang biyenan kong babae ay nagtamo ng matinding pagkasunog at naghihingalo na. Pagkatapos kumpirmahin ang kalagayan ng aking asawa at mga biyenan, pinuntahan ng aking ama ang aking tiyuhin sa Higashi-Hakushima-cho para alamin ang kalagayan niya. Dahil gumuho ang buong bahay nila, pumunta ang tiyuhin ko sa lugar na nasa bandang Koi para sumilong mula sa kapahamakan. Ang aking pinsan, na inatasang magsilbi para sa “building demolition operations” sa ilalim ng student mobilization, ay namatay na.

Matapos libutin ang paligid, bumalik ang ama ko sa nayon ng Tonoga. Nalaman ko mula sa kanya na nasa dormitoryo sa arsenal ang aking pamilya pati ang aking asawa. Pagkatapos sumakay sa bus ay lumipat ako sa tren (Kabe Line) at dumating ako sa Hiroshima sa umaga ng Agosto 8. Habang ako ay naglalakbay patungo doon, nakita ko na may maraming taong sugatan na halos naghihingalo, na nakalapag sa harap ng estasyon sa Kabe. Ang bawat isa sa kanila ay may isang lata ng pagkain sa tabi ng unan nila. May mga taong nagpunta para hanapin ang kanilang pamilya, habang tinitingnan ang mukha ng mga biktima at tinatawag ang pangalan ng kanilang mahal sa buhay. Subalit, walang sinuman sa kanila ang may lakas upang sumagot. Habang tinitingnan ko ang dami ng mga taong nasugatan, nag-alala ako ng husto sa kalagayan ng sariling pamilya.

Huminto ang tren ko sa may estasyon ng Mitaki at pinababa ang mga pasahero. Mula dito ay nagpatuloy ako patungo sa dormitoryo sa arsenal, habang dala-dala ko ang pagkaing natanggap ko sa aking mga magulang, tulad ng pickled plums at bigas. Subalit, sa lawak ng kapatagang likha ng pagkasunog, hindi ko alam kung saang direksiyon ako dapat pumunta. Sinikap kong maglakad kahit nawala na ang mga palatandaang dati kong nakikita. May nakita akong apoy. Sa pag-aakalang may tao sa paligid nito, lumapit ako sa pinagmulan ng apoy upang magtanong, subalit nalaman ko na ang apoy na ito ay mula sa mga bangkay na sinusunog. Kahit sa tulay, sa tabi ng daan, sa bukirin o anumang lugar ay may nakikita akong sinusunog na mga bangkay. Habang pinagmamasdan ko ang mga sinusunog na bangkay, wala akong maramdaman at hindi ko na rin pinansin ang amoy galing dito. Para bang naging manhid ang aking damdamin sa mga nanyayari sa paligid ko.
Sa wakas, sa 3:00 ng umaga ng ika-siyam ay nakarating ako sa dormitoryo sa arsenal. Bagama’t pumanaw na aking biyenang babae, nasa tabi pa rin ang kanyang bangkay dahil ilang oras pa lang ang nakakalipas mula sa kanyang pagkamatay. Dahil nasa bukirin ang aking biyenang babae noong panahon ng pagbomba, matindi ang natamo niyang pinsala. Halos nasunog ang buong katawan niya. Ang kanyang baba at suso ay nasunog ng husto. Ayon sa aking biyenang lalaki, tila tumigil ang pagdaing ng kanyang asawa kaya sinindihan niya ang ilang kandila at nakita niyang binawian na ito ng buhay. Kinabukasan ay gumawa ng kabaong ang aking biyenang lalaki para ilagay ang bangkay ng kanyang asawa at pagkatapos ay sinunog ito sa bukirin ng patatas.

●Pagkamatay ng aking asawang lalaki
Dahil nasa bahay ang asawa ko noon, walang makikitang anumang pinsala o pagkapaso sa kanyang katawan. Ayon sa kanya, lumabas siya para iligtas ang biyenan kong babae noong marinig niya ang sigaw nito habang nagtatrabaho sa bukirin.

Noong Agosto 15, nagising ako sa 5:00 ng umaga. Bagama’t sinabi ng aking asawa na hindi ko kailangang gumising ng ganito kaaga, gumawa ako ng dumplings para ialay sa kaluluwa ng aking biyenang babae dahil ikapitong araw ito mula sa kanyang pagkamatay – ang araw na kung saan dapat kaming gumawa ng memorial service. Gumawa din ako ng lugaw para sa aming tatlo. Sinubukan kong pakainin ng lugaw ang aking asawa, na nakahiga sa sahig kasama ang aking biyenang lalaki sa isang kuwartong may sukat na tatlong tatami mat, pero hindi siya gumalaw. Namatay siya ng hindi man lang napansin ng aking biyenang lalaki. Dahil pinapalibutan na ng mga langaw ang bangkay ng aking asawa, ipinaalam ko sa tanggapan ng lokal na pamahalaan na namatay ang asawa ko sa ikalabing-apat (kahit na namatay siya sa ikalabinlima), upang kahit papaano ay mapadali ang pagsunog o cremation niya, kung kaya nagawang sunugin ang bangkay ng asawa ko sa araw na iyon. Gumawa uli ng kabaong ang biyenan kong lalaki at sa pagkakataong ito ay para sa aking asawa. Nilagay namin ang bangkay ng aking asawa sa kabaong at pagkatapos ay sinunog namin ito. Dahil nahirapan siya noon sa pagsunog sa bangkay ng aking biyenang babae, nakiusap ang biyenan kong lalaki na isagawa ko ang pagsunog sa bangkay ng aking asawa. Matindi ang aking pag-aatubili sa pagsunog sa bangkay ng isang taong humihinga pa noong umagang iyon, subalit inisip ko na lang na responsibilidad ko ito kaya sinindihan ko na ang apoy. Hindi ko magawang manatili doon habang nasusunog ang bangkay sa harapan ko. Tinangka kong umalis, pero hindi ako makatayo dahil humapay-hapay ang aking mga paa. Kaya wala akong magawa kundi gumapang na lang pauwi sa bahay. Sa dami ng mga bangkay na sinusunog sa alinmang lugar, napaso ang aking mga paa at kamay sa kakagapang sa lupang mainit pa mula sa pagsusunog na ginagawa.

Kinabukasan, lumabas ako para kunin ang natirang buto ng aking asawa at nagtaka ako kung bakit hindi tumunog ang sirena para sa red alert kahit na may mga eroplano ng kalaban na lumilipad sa himpapawid. Sa bandang huli ay napag-alaman kong natapos na pala ang digmaan.

●Cyanide na gagamitin sa pagpapakamatay
Sa arsenal, nakatanggap ang lahat ng kababaihan ng cyanide. Sinabi sa amin na dapat inumin namin ito kung sakaling ginahasa kami ng mga sundalong amerikano, dahil itinuturing ito na isang kahihiyan ng mga Hapon. Noong mamatay ang aking asawa, tinangka kong inumin ang cyanide dahil naramdaman kong nawalan na ng silbi ang buhay ko. Noong lumabas ang aking biyenang lalaki upang ipahayag ang pagkamatay ng aking asawa sa tanggapan ng lokal na pamahalaan, inumpisahan kong uminom ng tubig bago inumin ang cyanide. Subalit, sa mga sandaling iyon ay naisip ko kung ano ang iisipin ng biyenan kong lalaki sa oras na datnan niya akong patay. Kaya nagpasiya ako na huwag inumin ang cyanide, dahil naisip ko na hindi ako dapat mamatay at tungkulin ko ang alagaan ang aking biyenang lalaki. Ginupit ko ang mahaba kong buhok at sinunog ko ito kasabay ng bangkay ng aking asawa, habang sinasabi sa kaluluwa ng aking asawa na, “Patawad, mahal ko. Hindi pa ako puwedeng pumunta sa kinaroroonan mo. Ito ang damdamin ko para sa iyo.” Kung hindi dahil sa aking biyenang lalaki, malamang ay ininom ko na ang cyanide.

Pagkatapos kong bumalik sa nayon ng Tonoga, dala ko pa rin ang cyanide. Natuklasan ang cyanide ng isa sa aking mga kapatid na lalaki at pagkatapos ay sinunog niya ito. Hanggang hawak ko daw ang cyanide ay may posibilidad na gamitin ko ito. Hindi ko maipaliwanag ang amoy ng nasusunog na cyanide.

●Ang pagkamatay ng aking biyenang lalaki
Naranasan ng biyenan kong lalaki ang pagbomba ng Atomic Bomb habang nasa arsenal at matindi ang pagkapasong natamo niya sa kanyang likod. Kaya palagi siyang natutulog ng padapa. Pagkamatay ng aking asawa, binalak kong pumunta sa nayon ng Tonoga kasama ang aking biyenang lalaki. Subalit pumanaw siya noong ika 25 ng Agosto. 24 taong-gulang lang ako noon at sa pagkamatay ng aking asawa at mga biyenan ay naiwan na akong nag-iisa sa Hiroshima. Akala ko noon na handa na akong mamatay. Subalit hindi ko magawa ito, dahil tungkulin kong dalhin ang abo ng tatlong namatay sa sarili nilang bayan at dalhin sa kanilang pamilya.

●Pagbabalik sa nayon ng Tonoga
Sa wakas ay nakabalik ako sa nayon ng Tonoga noong Septiyembre 6, dala ang abo ng aking asawa at mga biyenan. Isinagawa ng kamag-anak ng aking asawa ang funeral service sa bahay nila. Dahil masyado akong payat noon at hindi gaanong mabuti ang kalusugan, nandoon ang aking mga magulang at mga kapatid para suportahan ako. Dahil sa kanila ay nabubuhay pa ako ngayon. Naramdaman ko na ang pagkakaroon ng mga magulang at kapatid ay isang napakalaking bagay. Tuwing kakain kami ay ganadong-ganado sila kaya napapagaya tuloy ako. Sa panahong iyon ay kapos kami sa pagkain, kaya pinilit ko ang sarili na kumain kahit wala akong gana, dahil sa pag-aakalang makakasama sa akin kapag hindi ako kumain. Sa tingin ko ay nakabuti ito sa akin sa bandang huli.

Pagkatapos kong bumalik sa nayon ng Tonoga, pumunta ako sa siyudad ng Hiroshima ng ilang beses kasama ang aking ama. Isang araw, hinabol kami sa siyudad ng isang dayuhang naging bihag sa digmaan. Pagod na pagod na kami noon sa paglalakad sa paligid at napilitang dumaan sa isang lugar na walang daanan, pagkatapos ng bagyong Makurazaki. Sa labis na takot ay sinikap naming makatakbo ng papalayo. Hinding-hindi ko makakalimutan ang pangyayaring ito.

●Muling pag-aasawa
Sa taong 1957 ay muli akong nag-asawa sa isang lalaking may tatlong anak, noong dalawang taong gulang ang bunsong anak niya. Sa umpisa, binalak kong tanggihan ang kanyang alok ng kasal dahil wala akong karanasan sa pagpapalaki ng bata. Subalit, noong makita ko ang mga anak niya ay nagbago ang aking isipan. Kaakit-akit ang mga anak niya at tuloy ay pumayag akong makasal kami dahil alam kong hindi na ako magkakaroon ng sariling anak at naramdaman ko na magiging masaya ako sa pagpapalaki sa mga anak niya.

●Kalagayan ng kalusugan
Maraming beses akong nag-alala sa aking pisikal na kondisyon. Kasalukuyan ay kinakailangan kong magpatingin sa iba’t-ibang uri ng manggagamot. Tuwing pupunta ako sa klinika ng aking dentista sa aming lugar para magpabunot ng ngipin, sinasabi niyang isama ko ang isang manggagamot dahil hindi normal ang pagtuyo ng aking dugo.

Noong 2001, may pitong taon na nakakaraan, nagkaroon ako ng operasyon para sa ovarian cancer. Ang cancer na ito ay kumalat na hanggang sa aking bituka, kaya itinuturing itong isang major operation dahil higit sa 50 cm ng aking bituka ay kinailangang tanggalin. Ang ovarian cancer ay isang sakit na mahirap gamutin at ito ay kumalat na sa aking bituka. Kaya, nakakapagtataka na nakaligtas ako ng buhay.

Noong nagkaroon ako ng ovarian cancer, pakiramdam ko ay mapait ang lasa ng mga pagkain. Kailan lang ay naramdaman ko uli ito, kaya pumunta ako sa ospital para magpatingin sa isang manggagamot. Habang nasa ospital, napag-alamang may bumara sa aking bituka at kailangan kong lumagi sa ospital.

●Pagsagap ng radiation mula sa pagbomba ng Atomic Bomb
Bagama’t hindi ako nagkaroon ng mga paso mula sa direktang epekto ng radiation ng Atomic Bomb, dinapuan ako ng mga langaw na nag-iwan ng kanilang mga itlog sa aking buong katawan, pati ang aking mga kamay, paa at likod at naglabasan ang napakaraming uod mula sa aking balat. Napakatindi ng sakit na dulot nito na para bang kinakagat ako ng mga niknik o horsefly. Maraming natirang marka sa aking likod mula sa mga uod na kumapit sa aking katawan noon, kaya hindi ako makapunta sa anumang public bath o mga hot springs.

Tuwing makikita ng mga manggagamot sa ospital ang aking likod ay tinatanong nila ako kung ano ang nangyari sa akin. Sinasabi ko sa kanila na nakuha ko ito mula sa pagbomba ng Atomic Bomb. May ilang dokotor ang nagtanong kung nakalabas ang likod ko sa panahon ng pag bomba, pero hindi naman ganoon ang nangyari.

Napakahalaga para sa atin ang kapayapaan at isang pagkakamali ang pagkakaroon ng digmaan. Kahit sa ating sariling tahanan, hindi magiging masaya ang samahan kapag may gulo o problema sa isa’t-isa, kaya mahalagang iwasan ang mga ito at panatiliin ang matiwasay na pagsasama.

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語