国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Masuwerte ka talaga 
MIYACHI Toshio(MIYACHI Toshio) 
Gender Male  Age at time of bombing 27 
Year written 2009 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

●Buhay sa panahong iyon
Ipinanganak ako noong 1917 sa nayon ng Nakanosho, sa lalawigan ng Mitsugi (kasalukuyang Innoshima-Nakanosho-cho, siyudad ng Onomichi). Habang nagtatrabaho ang aking ama sa tanggapan ng koreo sa Nakanosho, ang aking ina na isang full-time na maybahay, ay nag-aararo ng isang maliit na bukirin. Dalawang taon matapos akong ipanganak bilang pinakamatandang lalaki na sinundan ng tatlong kapatid na babae, isinilang ang aking bunsong kapatid na lalaki. Namatay ang aking nakakabatang kapatid na babae noong 1924, pagkatapos siyang isilang. Pagkatapos nito ay namatay din ang aking ina. Mula noon ay kaming dalawa lang ng aking ama ang nakatira sa bahay.

Noong 1939, pinatawag ako para magsilbi sa military kung saan nadestino ako sa 5th Division, Field Artillery, 5th Regiment. Bilang pinuno ng aming pulutong, nadestino ako sa iba’t-ibang lugar, tulad ng Vietnam at Tsina sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos kong magretiro, nagtrabaho ako sa Marukashi Department Store, sa sangay nito sa Hikari, na pinangangasiwaan ng aking pinsan. Noong 1943, lumipat ako ng trabaho at namasukan sa sangay na tanggapan ng Miyaji Steel Manufacturing Company sa Hikari, na pinangangasiwaan ng aking lolo. Lumipat ako ng trabaho dahil ang lokasyon ng punong-tanggapan ng bagong kompanya ay mas malapit sa tirahan ng aking ama, kaya mas madali para sa akin na alagaan siya. Sa paglipat ko ng trabaho ay nag-asawa din ako. Ipinanganak ang panganay naming lalaki noong Abril 1944.

Noong Abril 1945, nakatanggap uli ko ng kautusan para magsilbi sa military. Pangalawang beses ko na ito. Sa panahong ito ay inilipat ko ang aking asawa at anak sa Innoshima para sumilong doon. Inatasan akong magsilbi sa Field Artillery, 5th Regiment, pero sa pagkakataong ito ay nagsilbi ako sa regimental headquarters bilang isang military register keeper. Limitado ang bilang ng mga natira sa punong himpilan dahil ang karamihan sa mga sundalo ay ipinadala sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang ipagtanggol ang kabuuang bahagi ng bansang Hapon. Bilang isang sundalo, ang pangunahing tungkulin ko noon bilang military register keeper ay ang pagsagawa ng isang military register o talaan at pamamahagi ng mga military pocketbooks. Hindi ko kinailangang sumali sa mga operasyon ng military.

Si Sarhento Okada, ang nakakataas kong opisyal, na kababalik lang mula sa nayon ng Kobatake, sa lalawigan ng Jinseki (kasalukuyang Jinsekikogen-cho, lalawigan ng Jinseki), ay isang natatanging tao. Dahil kami lamang dalawa ang nagtatrabaho sa iisang kuwarto, naging malapit siya sa akin.

Noong Hunyo 1945, binago ang pangalan ng aking grupo at ito ay naging Chugoku Military District Artillery Reserves (Chugoku 111st Unit). Ang pangkat na ito ay nasa kanlurang bahagi ng Hiroshima Castle. May ilang two-story military barracks ang itinayo para palibutan ang kanal, kung saan may nakatalagang apat na pangkat ng mga sundalo.

●Sitwasyon bago naganap ang pagbomba ng Atomic Bomb
Ang balak ko noon ay bumalik sa dating kompanyang pinapasukan pagkatapos kong makaalis sa military. Ganoon din pala ang pinaplano ng kompanya para sa akin. May pinadalang liham mula sa presidente ng kompanya sa aming pangkat upang alamin kung puwede akong bumisita sa siyudad ng Hikari para dumalo sa isang mahalagang pagpupulong. Subalit, nag-atubili akong humingi ng permiso para lumabas dahil ayokong isipin ng iba kong kasamahang sundalo na iniwan ko ang aking puwesto para dumalo sa isang business meeting sa dating kompanyang pinangangasiwaan ng aking mga kamag-anak. Habang ako ay nag-aatubili ng ganito, binigyan naman ako ng konsiderasyon ni Sarhento Okada at sinabi niya na, “Huwag kang mag-alala. Ako ang kukuha ng permiso para sa iyo.” Dahil sa kanya ay nabigyan ako ng permiso para makalabas at noong Agosto 5 (Linggo) ay nasa siyudad ng Hikari na ako. Kalakip ng permisong ipinagkaloob sa akin ay ang kondisyong sasakay ako sa tren na darating sa estasyon ng Hiroshima sa 9:00 ng umaga, sa sumunod na araw ng Agosto 6 (Lunes) at pagkatapos ay kailangang bumalik ako sa aking pangkat.

Nagising ako sa 4:00 ng umaga noong Agosto 6 at pagkatapos ay sumakay ako ng tren mula sa estasyon ng Hikari pagkatapos kong mag-almusal. Sa 8:15, kung kailan ibinagsak ang Atomic Bomb, ang tren na sinasakyan ko ay nasa paligid na, bago dumating sa estasyon ng Iwakuni. Wala akong gaanong marinig sa labas dahil sa sobrang ingay ng tren, kaya hindi ko narinig ang tunog mula sa pagsabog ng bomba. Subalit, ang lahat ng mga pasahero ay nakatingin sa mga bintanang nasa kanang bahagi ng tren (sa direksiyon na tinatakbuhan nito) at sinabing, “May malaking ulap ng usok na parang isang advertising balloon na kumakalat sa himpapawid ng Hiroshima.” Walang anumang anunsiyo ang ginawa at walang sinuman ang nakakaalam kung ano ang nangyayari at patuloy na tumakbo ang tren hanggang huminto ito ng bigla sa estasyon ng Itsukaichi. Sa estasyong ito, kung saan nahinto din ang iba pang tren na nauna, inutusang bumaba ang lahat ng mga pasahero dahil hindi maaring ituloy ang biyahe patungo sa Hiroshima. Nag-alala ako dahil nangako akong babalik agad sa aking pangkat pagdating ko sa Hiroshima sa 9:00 ng umaga.

Sa harap ng estasyon ng Itsukaichi, medyo dumilim ang palibot na parang gabi na, sanhi ng maitim na usok na binubuga ng makina ng tren, kaya hindi ko namalayan ang kilos ng mga tao sa paligid. Pagkalipas ng ilang sandali ay humupa na ang usok at napansin kong may nakaparadang truck ng military police sa di kalayuan. Parang katatapos lang ng kanilang pakay o lakad sa lugar na ito ang mga pasahero ng truck, kaya nakiusap ako kung puwedeng makisakay patungo sa Hiroshima Castle upang makasama ko ang aking pangkat. Pumayag agad sila. Dalawa sila, isang Kabo at isang Sarhento. Napansing kong masigla ang dalawa at tila walang mga sugat na natamo sa katawan, kaya naisip kong hindi siguro sila direktang naapektuhan ng pagsabog ng Atomic Bomb. Kung sakaling buhay pa sila ngayon, nais ko silang makaharap ng personal para pasalamatan.

●Sitwasyon sa siyudad pagkatapos ng pagbomba
Bagama’t hindi ko masyadong matandaan ng husto kung anong ruta ang dinaanan namin mula sa Itsukaichi patungo sa Hiroshima, sa palagay ko ay bumiyahe kami sa isang diretsong daan at may nilampasan kaming mga taniman ng bigas. Sa gilid ng daan ay may daloy ng mga taong nagmamadaling tumakas mula sa kapahamakan. Pagkatapos pumasok sa siyudad ng Hiroshima, dumaan kami sa riles na dinadaanan ng tren o street tram. Siguro ay nakatakas na ang karamihan dahil parang walang tao sa siyudad. Wala rin kaming makitang mga aso o pusa.

Bagama’t nakisuap ako sa kanila na ihatid ako hanggang sa Hiroshima Castle lamang, ibinaba nila ako sa may harapan ng tulay ng Aioi. Halos tanaw ko na ang kinaroroonan ng aking pangkat mula sa tulay na ito, kaya naisipan kong lakarin na lang patungo doon. Subalit hindi ako makalakad dahil sa init ng nasunog na daan. Bagama’t nakabalot sa gaiters ang suot kong sapatos na may sintas, hindi ako makalakad ng kahit isang metro kaya napilitan akong huminto sa tulay.

Siguro may isang oras ang nakalipas sa ginagawa kong pagsulong at pag-urong ng 50 cm sa tulay ng Aioi. Bigla na lang umulan ng malakas na parang karayum na tinatarak sa aking balat. Kulay itim ang ulan, na bumalot sa paligid na para bang nabuhusan ito ng langis. Subalit noong kinuskos ko ng kamay ang aking mukha, hindi ko naman naramdaman na malangis ito. Sa kalagitnaan ng kapatagang tinupok ng apoy, wala akong masilungan sa patuloy na pag-ulan. Habang basambasa ang buong katawan ko sa ulan, wala akong magawa kundi hintayin itong tumila.
Pagkatapos tumila ng ulan, biglang nagbago ang temperatura at napansin kong lumamig ang panahon na katulad ng autumn. Lumamig na rin ng konti ang mainit na lupa, kaya medyo madali na ang paglalakad sa ibabaw nito.

Pagdating ko sa kinaroroonan ng aking pangkat, nakita ko ang kahabag-habag na ayos nito. Sa dating kinatatayuan ng aming barracks, nawasak ang lahat ng mga gusali, tinupok ng apoy hanggang abo na lang ang natira at pagkatapos ay tinangay ng ulan na halos walang bakas ng dating anyo ng paligid ang natira.

Si Sarhento Okada naman ay nag-aagaw buhay na dahil sa dami ng paso na natamo niya sa buong katawan. Bagama’t nasa ganitong kondisyon, humihinga pa naman siya. Sa tindi ng kanyang pagkapaso, halos hindi ko siya agad nakilala hanggang sa narinig kong sinabi niya na, “Miyachi, ang suwerte mo talaga!”. Pagkatapos nito ay umalis ako ng pansamantala subalit sa pagbalik ko sa bandang gabi ay hindi ko na makita si Sarhento Okada. Siguro ay inilipat siya sa ibang lugar.

Bagama’t hindi ko matandaan ng husto, siguro nakilala ko si Heneral Shunroku Hata ng 2nd Army Forces Command pagkatapos nagkaroon ng itim na ulan noong Agosto 6. Inutusan ako ng kanyang asssistant o adjutant at sinabi na, “Ikaw, dalhin mo si Heneral Hata at itawid mo siya sa ilog ng Temma at iwasan mong mabasa siya!” Medyo maliit si Heneral Hata. Sinunod ko ang utos at tumawid ako sa ilog habang pasan ko sa likod si Heneral Hata. Napansin kong hindi naman siya masyadong mabigat.

●Pagsagawa ng rescue operations
May 90 sundalong nakatakas sa pagbomba, ang nagtipun-tipon sa kanlurang panig ng parade ground. Ako at ang ilang mga sundalo ay inatasan sa pagsunog ng mga bangkay. Napakaraming bangkay ang dapat naming sunugin, 250 sa isang araw at 300 naman sa susunod.

Habang ginagawa namin ito, kapansin-pansin ang bangkay ng dalawang sundalong amerikano na nakahilatay sa hagdanan ng Hiroshima Castle. Sa palagay ko ay mga bihag sila o POW mula sa hukbong amerikano na nasa loob ng gusaling katabi ng Hiroshima Castle noong panahong iyon.

Sa araw ng pagbomba noong Agosto 6, wala kaming makain kaya isinama ko ang 30 sa aking mga tauhan patungo sa munisipiyo para kumuha ng tinapay. Subalit ang sitwasyon ay iba sa aming inaasahan. Nakipagtalo kami sa nangangasiwa ng munisipiyo ngunit hindi namin sila makumbinsi na bigyan kami ng tinapay. Sa araw na iyon ay wala kaming magawa kundi uminom ng mainit na tubig na may asukal para kahit papaano ay mabawasan ang gutom na nararamdaman namin. Mula Agosto 7, nakatanggap kami ng rice balls pati matigas na tinapay mula sa rasyon na ipinagkaloob ng mga rescue team mula sa labas ng siyudad.

Habang natutulog sa labas, ipinagpatuloy namin ang aming rescue operations hanggang sa katapusan ng Agosto.

Sa wakas, ipinalabas ang isang kautusan noong Agosto 31, para buwagin ang lahat ng mga pangkat. Sa pagbuwag ng mga pangkat, ang iba’t-ibang kagamitan na nakaimbak sa mga bodega ng military ay ipinamahagi sa mga sundalo. Nakatanggap ako ng mga uniporme ng military at kumot. Ang ilang sundalo na galing sa labas ng bayan ay nakatanggap ng mga kabayo mula sa military at ito ang sinakyan nila pauwi sa kanilang tahanan.

Noong Septiyembre 1, sumakay ako sa isang bapor mula sa piyer ng Itozaki at bumalik ako sa Innoshima.

●Mga sakit
Pagkalipas ng dalawang buwan mula noong bumalik ako sa Innoshima, habang umiihi ako sa isang bukirin, nagulat ako dahil humigit-kumulang sa 1-sho (mga 1.8 litros) ng ihi na kulay kape ang lumabas mula sa katawan ko. Pagkatapos nito ay patuloy na lumabas ang kulay kape na ihi. Sa sumunod na taon, napasok ako sa ospital sanhi ng problema sa loob ng aking tiyan. Pagkatapos nito ay nagkaroon ako ng sakit sa atay kaya kinailangan kong lumagi sa ospital. Noong 1998, napasok uli ako sa ospital pagkatapos malamang may cancer ako sa pantog. Patuloy ang aking pagpapagamot hanggang sa kasalukuyan.

Noong Septiyembre 1960, natanggap ko ang A-Bomb Survivor’s Health Book Certificate. Bago ipinagkaloob sa akin ang certificate, nag-atubili akong tanggapin ito. Kaya pinag-isipan ko ng husto at sinunod ko ang payo ng munisipiyo na tanggapin ito. Sa bandang huli, nagpasalamat ako sa pagkakaroon ng certificate, dahil nakatulong ito lalung-lalo na kapag nagkaroon ako ng sakit na may kaugnayan sa naganap na pagbomba.

●Buhay pagkatapos ng digmaan
Pagkatapos ng digmaan, nagbukas ako ng isang maliit na tindahan sa Innoshima. Sari-saring bagay ang ibinibenta sa tindahang ito. Dahil ang tindahang ito ay nasa probinsiya, hindi lamang pagkain ang ibinibenta kundi pati ang pagkiskis ng bigas at trigo, paggawa ng purified oil pati mga kasangkapan sa bahay. Bagama’t may kahirapan ang kabuhayan noon, kahit papaano ay nagawa kong pag-aralin ang aking mga anak sa kolehiyo.

Noong 1946, pagkatapos isilang ang aming panganay na babae, namatay ito kasabay ng kanyang ina. Nag-asawa uli ako noong 1947 sa kasaluyan kong asawa at nagkaroon kami ng dalawang anak na lalaki at isang babae. Mahina ang pangangatawan ng lahat ng aking mga anak, na isinilang pagkatapos ng digmaan, kaya pinaghihinalaan ko na may kaugnayan ito sa radiation na natamo ko noong pagbomba ng Atomic Bomb. Pinapayuhan ng aking asawa ang aming anak na babae na huwag banggitin na siya ay isang second-generation na biktima ng pagbomba ng Atomic Bomb, dahil baka makaapekto ito sa kanyang pag-aasawa sa hinaharap.

●Pagkamatay ng nakakataas na opisyal sa pagbomba ng Atomic Bomb
Kung sakaling nagpatuloy ang digmaan pagkatapos ibagsak ang Atomic Bomb, siguro mas naging malala ang kalagayan sa Japan. Naniniwala ako na ang nakamit na kapayapaan sa kasalukuyan ay bunga ng napakaraming sakripisyong isinagawa.

Dahil sa desisyon ni Sarhento Okada na bigyan ako ng pahintulot upang makaalis, naiwasan kong matapat sa pagsabog ng Atomic Bomb kung kaya nabubuhay pa ako ngayon. Nawalan na ako ng balita tungkol sa kinaroroonan ni Sarhento Okada mula noong Agosto 6, kung kailan sinabi niya sa akin na, “Miyachi, ang suwerte mo talaga.” Matagal na naging palaisipan ito para sa akin. “Nais kong iparating ang aking taos-pusong pasasalamat sa iyo, Sarhento Okada.” Dahil naintindihan ng mga anak ko ang aking nararamdaman para kay Sarhento Okada, tumulong sila sa paghahanap ng impormasyon sa pamamagitan ng Internet pati ang pagtawag sa iba’t-ibang templo hanggang sa matagpuan ang libingan ni Sarhento Okada.

Noong 2007, binisita ko ang libingan ni Sarhento Okada kasama ng aking pamilya. Pagkatapos magbigay ng galang sa libingan niya at ipahayag ang aking taos-pusong pasasalamat sa kanyang kaluluwa, tila napakalaking bigat ang natanggal sa aking dibdib.

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語