国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Damdamin para sa aking ina 
KAWAGUCHI Hiroko(KAWAGUCHI Hiroko) 
Gender Female  Age at time of bombing
Year written 2008 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

●Sitwasyon bago mag Agosto 6 at sa araw na ito
Sa panahong iyon, apat kami sa pamilya namin – ako, ang aking ina, ang nakakatanda kong kapatid na lalaki at babae. Nakatira kami noon sa isang bahay na nasa Kamitenma-cho. Ang aking ama na si Toshio Omoya, ay namatay sa digmaan sa Tsina noong 1938. Dahil maliit pa lang ako noong mamatay ang aking ama, natatandaan ko lang ang kanyang mukha sa mga larawan niya. Ayon sa aking pamilya, noong bata pa ako ay sinasabi ko daw tuwing makikita ko ang larawan ng aking ama na, “Kaya ayaw lumabas ni tatay mula sa larawan kasi walang nag-aabot sa kanya ng bakya niya”

Kaming lahat ay mag-isang pinalaki ng aking inang si Shizuko. Kumpara sa ibang mga magulang, napakaseryoso ng aking ina pagdating sa edukasyon. Kahit nasa digmaan kami sa panahong iyon, nagawa pa rin niyang pag-aralin ako ng calligraphy at ballet. Noong kumuha ng entrance examination ang aking kapatid na lalaki para sa middle school, may 100 beses na binisita ng aming ina ang isang templo bawat umaga upang ipagdasal na sana pumasa ang aking kapatid. Mula ng pumanaw ang kanyang asawa, para bang iniisip niya na ang edukasyon ang tanging bagay na maibibigay niya sa kanyang mga anak.

Dahil dito, araw-araw ay nagsumikap ng husto ang aking ina mula umaga hanggang gabi sa ilang trabahong ginagawa niya. Natatandaan ko noong tinutulungan siya ng nakakatanda kong kapatid na lalaki at babae sa paghahatid ng diyaryong pang-umaga. Kahit maliit pa ako noon, sinikap kong makahabol sa kanila sa paglalakad.

Noong panahong iyon, nakaugalian ng mga taong-bayan na ituring na sariling kamag-anak ang kanilang kapitbahay. Kaya habang abala sa trabaho ang ina ko bawat araw, inasikaso at inalagaan kami ng mga taong nasa paligid. Ang pamilya ng aking tiyuhin ay nakatira sa lugar namin at ang pamilya naman ng aking lolo ay nakatira sa kalapit na bayan ng Hirose-motomachi.

Sa panahong ito, itinataguyod ng karamihan sa mga primary schools ang group evacuation pati pagsilong sa mga bahay ng mga kamag-anak ng mga mag-aaral sa lalawigan. Nasa ikatlong baitang ako noon sa Tenma Primary School at sumali ako sa isang group evacuation patungo sa templo na nasa Yuki-cho, kasama ng aking nakakatandang kapatid na babae na si Sumie, na nasa ikaanim na baitang sa paaralang pinapasukan ko. Bagama’t binibisita kami ng aking ina at nakakatandang kapatid na lalaki na si Toshiyuki at dinadalhan kami ng mga pasalubong tulad ng patatas, napakahirap para sa akin at sa aking kapatid na babae na pawang musmos pa, ang mamuhay ng hiwalay sa magulang. Dahil sabi ng aking ina na kung sakaling mamatay man kami ay dapat sabay-sabay kaming mag-ina. Sinabi ko sa kanya na gusto kong bumalik sa aming bahay, kaya umuwi ako sa aming tahanan sa Kamitenma-cho. Habang ginugunita ko ang mga pangyayari, naisip ko na malamang ay nakaligtas kaming lahat kung sakaling nanatili ako sa evacuation site, dahil kahit papaano ay bibisitahin naman ako ng aking ina at kapatid na lalaki doon.

●Sitwasyon noong Agosto 6
Dahil wala kaming pasok sa paaralan noong ikaanim ng Agosto, lumabas ako ng bahay kasama ng aking mga kaibigan para mamasyal sa aming lugar.

Noong makita ko ang mga eroplanong B-29 na lumilipad sa itaas kasabay ng usok mula sa makina nito na gumuhit ng linya sa himpapawid, agad kong tinakpan ng dalawa kong kamay ang aking mga mata at tainga. Ganito kasi ang itinuturo sa mga pagsasanay na ipinapagawa sa amin noon kaya parang nakasanayan na naming gawin ito. Kaya hindi ko nakita ang matinding silaw dahil tinakpan ko ang aking mga mata.

Sa panahon ng pagbomba, masuwerte ako dahil nasa ilalim ako ng ambi ng isang bahay kaya hindi ako nasugatan at hindi ko rin naramdaman ang init dahil nasa likod ako ng pader. Bahagya lamang ang natamong sugat ng aking kaibigan, kaya gumapang kaming palabas sa pamamagitan ng isang bitak sa bahay at pagkatapos ay umuwi agad kami.

Pagdating ko sa bahay, nakita kong naghihintay sa akin ang aking ina na nasugatan sa pagbomba. Sa araw na iyon, lumabas ang ina ko upang tumanggap ng bigas na ipinamimigay bilang rasyon at sa pag-uwi niya ay naabutan siya ng pagbomba. Pag-uwi ko sa bahay, dinampot agad niya ang isang first-aid bag at isinama niya akong tumakas.

Habang tumatakas kami, nakita ko ang mga bahay na gumuho at mga haligi ng tulay na nagliliyab sa apoy. Tinawid namin ang tulay patungo sa Koi. May nakasalubong kaming taong umitim na ang katawan sa pagkakasunog. “Pahingi ng tubig, parang awa na ninyo, bigyan ninyo ako ng tubig!”, ang sigaw niya. Subalit wala kaming magawa para sa kanya dahil nagmamadali kaming tumakas. Nanghihinayang ako dahil hindi man lang namin inalam ang pangalan niya.

Hanggang sa makarating kami sa Koi Primary School, hindi ko napansing nakapaa pala ako. Sa aming pagtakas sa pagitan ng mga nasirang bahay, hindi ko alam kung paano ako nakaligtas ng walang sugat.

Ang lahat ng sulok sa paaralan ay puno ng mga taong sugatan, pati ang mga silid-aralan at pasilyo. Ipinagamot ko ang aking ina doon. Matindi ang pagkasunog ng kanyang mga kamay, paa at likod. Bahagya lamang ang pagkasunog sa mukha niya pero may malaking lubak sa kanyang ulo. Sa ganitong kalagayan, may konting gamot na maaring ipahid sa mga sugat niya. Subalit habang ginugunita ko ang sitwasyong ito, hindi ko sigurado kung talagang nabigyan ng nabanggit na gamot ang aking ina.

Pagkatapos nito, sinama ko ang aking ina patungo sa silungan o shelter na itinakda para sa bayan, na nasa Ogawachi-machi. Pagdating namin sa shelter, bumagsak ang ulan na kulay itim mula sa kalangitan. Sumilong kami sa isang piraso ng yero na napulot ko sa paligid. Pagtila ng ulan, dumating ang nakakatanda kong kapatid na lalaki na si Toshiyuki.

Sa panahon ng pagbomba, ang kapatid kong lalaki ay nasa pangalawang baitang sa Matsumoto Industrial School at inatasan itong magsilbi sa isang pabrika na nasa isla ng Kanawajima, sa may baybayin ng Ujina. Ayon sa kapatid kong ito, naranasan niya mismo ang pagbomba kasama ng kanyang mga kaibigan malapit sa tulay ng Miyuki habang naglalakad sila patungo sa lugar na kung saan inatasan silang magsilbi. Dahil sa pag-aalala sa kalagayan ng aming pamilya, bumalik siya patungo sa bahay namin sa halip na magpatuloy sa pook na dapat puntahan. Sa pook na malapit sa kinaroroonan ng punong tanggapan ng Hiroshima Electric Railway, nasusunog ang magkabilang panig ng daan kaya hindi ito madaanan. Sa halip ay tumuloy siya patungo sa Shudo Middle School, tumawid sa ilog ng Motoyasu at Ota sa pamamagitan ng bangka.
Pagkatapos ay tumawid siya sa isang tulay hanggang sa makarating sa Kanon-machi. Habang pauwi siya ay may taong humingi ng tulong sa ilalim ng gumuhong gusali ng Kindergarten, subalit hindi niya magawang tulungan ito. Nagmamadali siya upang siguruhin na nasa ligtas na kalagayan ang sariling pamilya. Nakakalungkot daw isipin ang pangyayaring iyon.

Pagdating niya sa bahay, halos abutin na ng apoy ang aming tahanan. Kinuwento niya sa akin kung paano niya pinatay agad ang apoy sa pamamagitan ng timba ng tubig. Pagkatapos siguruhing walang ibang tao sa bahay, pumunta siya sa Ogawachi-machi para hanapin kami. Sa Ogawachi-machi ay muli kaming nagkasama-sama.

Ayon sa aking ina, sa umaga ng ika-anim, sinabi ng aking nakakatandang kapatid na babae na ayaw na nitong pumasok sa paaralan. Subalit ayaw payagan ng aking ina na huminto siya sa pag-aaral dahil inaasahan niyang makakapasok ang kapatid ko balang araw sa Yamanaka Women’s High School. Tulad ng nakagawian, hinanda ng aking ina para sa pasukan ang kapatid ko sa umagang iyon, subalit hindi na ito bumalik mula sa paaralan.

●Sitwasyon mula sa ikapito
Sa sumunod na araw pagkatapos ng pagbomba, pumunta ang kapatid kong lalaki sa Tenma Primary School upang hanapin ang kapatid naming babae dahil hindi pa ito bumabalik mula sa paaralan. Ayon sa kanyang nasagap na impormasyon, naglilinis daw sa tanggapan ng punong-guro ang aming kapatid na babae sa panahon ng pagbomba, kaya hinanap niya ito sa gitna ng gumuhong gusali subalit walang makitang anumang bakas ng kapatid namin. Napisa ng husto ang gusali ng paaralan at ang lahat ay naging abo mula sa pagkasunog.

Ilang araw kong kasama ang aking ina at kapatid na lalaki sa shelter na nasa Ogawachi-machi. Subalit labis ang pag-aalala ng aking ina sa kalagayan ng aking kapatid na babae kaya naisipan naming bumalik sa bahay.

Nanatiling nakahiga ang aking ina mula noong bumalik kami sa bahay. Ang tanging gamot na natanggap niya para sa kanyang mga sugat ay ang ointment na pinahid ng isang beses lamang noong siya ay nasa Koi Primary School.

Masuwerte kami dahil hindi naman gaanong nasunog ng husto ang aming bahay, kaya naipagamit namin sa mga kapitbahay ang aming mga kumot. Noong malaman ito ng aking tiyahin na si Sueko Omoya, nagalit siya sa amin at sinabing, “Ano ba ang nangyayari sa inyo? Masyado kayong galante sa pagbibigay ng mga kumot sa ibang tao pero hindi man lang ninyo magawang lagyan ng kumot ang inyong sariling ina?” Dahil nasa ikalawang taon sa Industrial School ang aking kapatid na lalaki at ako naman ay nasa ikatlong taon sa Primary School, na sa kasalukuyan ay katumbas ng isang mag-aaral sa Junior High School at Elementary School, wala naman kaming magawa sa sitwasyong ito. Noong bumisita sa aming bahay ang aking tiyahin, inalagaan niya kami pati ang aming ina. Sa bahay ng aking tiyahin ang kanyang asawa na si Shigeo, na nakakabatang kapatid na lalaki ng aking ama, ay umuwi sa siyudad ng Hiroshima pagkalipas ng dalawang araw mula ng pagbagsak ng bomba. Siya ay nakadestino noon sa kanyang military unit sa Yamaguchi. Umuwi siya dahil ang kanyang asawa at anak na babae na si Nobue ay nasa Hiroshima. Kung hindi dahil sa tulong ng aking tiyuhin at tiyahin, palagay ko ay mahihirapan kami ng husto dahil mga bata pa kami noon.

Bagama’t natuwa ang nanay ko sa mabilis na paggaling ng mga paso niya sa mukha, hindi gaanong gumaling ang mga paso sa kanyang sa likod. Akala ko ay gumaling na ito dahil medyo natutuyo na, subalit biglang na lang natuklap ang lahat ng balat sa likod niya. May mga uod sa ilalim ng kanyang balat. Hindi nagtagal ay nabalutan na ng mga uod ang kanyang likod. Imposibleng tanggalin ang lahat ng mga ito. Noong tinabihan namin ng aking kapatid na lalaki ang aming ina sa pagtulog, hindi ko maiwasang pansinin ang amoy ng mga uod na nagdumugan sa katawan niya habang nasa loob siya ng kulambo.

Bagama’t napakatindi ng pinsalang dinaranas niya, wala akong narinig na hinaing mula sa kanya tulad ng, “Napakasakit nito” o “Makati ito,” o di kaya’y paghingi ng tubig. Sa halip ay sinabi niyang, “Gusto kong kumain ng milokoton, gusto kong kumain ng milokoton,” kaya pumunta ang tiyahin ko sa Inokuchi para bumili nito. Habang ginugunita ko ito ngayon, naisip ko na siguro talagang nauhaw siya ng husto.

Sa umaga ng Septiyembre 4, namatay ang aking ina. Nalaman ko ang pagkamatay niya mula sa aking tiyahin noong sinabi niyang, “Hiroko! Namatay na ang nanay mo.” Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi namin gaanong napansin ng kapatid kong lalaki ang kalagayan ng aming ina. Kung iisipin ko ang kalagayan niya noon, sa pagkabiyak ng kanyang ulo at tindi ng pinsalang natamo niya, halos hindi ako makapaniwalang umabot siya ng isang buwan. Habang ikinakarga ng mga sundalo ang mga nasugatan upang dalhin sa lugar na masisilungan sa labas ng bayan, ayaw namang umalis ng aking ina sa bahay namin hangga’t hindi nakakatanggap ng impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ng aking kapatid na babae. May isang taong nagkaroon ng matinding pinsala katulad ng aking ina, na gumaling sa pamamagitan ng pagpapagamot sa labas ng bayan. Sa pag-aalala sa pumanaw naming katapid na babae, sinikap ng aking ina na mabuhay sa paniniwalang matatagpuan din namin siya sa bandang huli.

Sa araw ng pagkamatay ng aking ina, sinunog namin ang kanyang bangkay sa dating lugar na kinatatayuan ng Koseikan. Hindi ako nakaramdam ng pagkalungkot at hindi rin ako lumuha. Siguro namanhid na ang aking damdamin. Umulan sa araw na iyon kaya nahirapan kami sa pagsunog sa bangkay ng aming ina.

Sa siyudad, lahat ng mga gusali ay gumuho at ang natira ay isang patag na kalawakan mula sa pagkasunog. Mula sa aming bahay, nakikita namin ang estasyon ng Hiroshima at Ninoshima. Napakaraming bankay kahit saan kami magpunta. Hinatak ng mga sundalo ang mga bangkay mula sa ilog at sinunog ang mga ito. Bagama’t may mga bangkay na mahigit sa isang buwan na nakalatag sa lupa, hindi namin gaanong binigyan ng pansin ang mga bangkay na nasa paligid habang kami ay dumadaan. Dahil wala naman kaming alam kung ano ang Atomic Bomb at wala naman kaming makain sa panahong iyon, hindi kami nag-atubiling kumain ng mga pagkaing kinapitan ng radiation, tulad ng patatas galing sa bukirin ng ibang tao at bigas na galing sa lupang may radiation.

●Buhay pagkatapos ng pagbomba ng Atomic Bomb
Pagkalipas ng ilang panahon mula ng mamatay ang aming ina, pumunta kami sa nayon ng Midorii upang umasa sa mga kamag-anak at makiusap sa kanila na patirahin kami sa kanilang kamalig. Naunang dumating sa amin ang aming lolo at lola. Noong ibinagsak ang bomba, ligtas sa sala ng kanilang bahay ang aming lolo na si Tomekichi Omoya at ang aming lola na si Matsuno. Subalit, sa pagdating nila sa nayon ng Midorii, ang aming lolo na dating masigla ay naging sakitin. Limang araw pagkatapos mamatay ang aming ina, binawian ng buhay ang aming lolo. Wala kaming balita mula sa kinaroroonan ng aming tiyuhin na si Shoso, na kasama ng aming lolo at lola na nakatira sa Hirose-motomachi. Ayon sa kanila, nasa bandang pasukan siya ng bahay noong panahon ng pagbomba.

Sa nayon ng Midorii, nalito kami ng husto sa maraming pagbabagong naganap sa aming pamumuhay. Pagkatapos mag-aral ng isang taon sa nayon ng Midorii, bumalik kami sa Hirose. Nagsama-sama kami, pinatag ang ilang lupain at gumawa ng isang kubo na matitirahan. Inampun kami ng aming tiyahin at tiyuhin. Ako at ang aking kapatid na lalaki ay pinalaki nila na parang tunay na mga anak. Hindi kami nakaramdam noon ng pagkalungkot sanhi ng pagkamatay ng aming mga magulang.

Subalit sa aking paglaki ay nakaramdam ako ng pagkalungkot sa kawalan ng sariling mga magulang. Ang aking pinsan, na kasabay kong lumaki katulad ng isang tunay na kapatid, ay may pribadong guro o “tutor” mula noong nasa mababang paaralan pa siya. Habang pinagmamasdan kong tinuturuan siya ng kanyang guro, hindi ko maiwasang mainggit sa kanya at medyo nakaramdam ako ng pagkalungkot. Tumira ako sa pamilya ng aking tiyuhin hanggang makapag-asawa ako. Nagtrabaho ako bilang isang accountant sa bahay ng aking tiyuhin na ginamit nila bilang pagawaan ng mga kasangkapan sa bahay.

●Pag-aasawa at pagkakasakit
Noong panahong iyon, inilihim ng karamihan sa mga naging biktima ng pagbomba ang kanilang nakaraan. Lalung-lalo na sa kaso ng mga kababaihan na nais mag-asawa balang araw. Karamihan sa kanila ay hindi nag-apply para tumanggap ng handbook para sa mga naging biktima ng Atomic Bomb upang huwag malaman na sila ay naging biktima ng pagbomba. Bagama’t labis akong nagpapasalamat sa tulong na dulot ng handbook na ito, medyo natagalan bago ako nag-apply para tumanggap nito. Tungkol naman sa pag-aasawa, umasa ako na hahanapan ako ng mapapangasawa ng aking tiyuhin at tiyahin. Sa bandang huli ay nakasal ako sa pamamagitan ng isang “marriage interview”. Mapalad ako dahil hindi naman problema para sa naging asawa ko na isa akong biktima ng Atomic Bomb.

Pagkatapos kong makasal, nag-alala ako sa aking magiging anak. May thyroid cancer ako. Ang nakakatanda kong kapatid na lalaki at pinsan ay may sakit na cancer din. Ang anak kong babae ay may acoustic nerve tumor. Iniisip ko kung sakaling may kaugnayan ang sakit ng aking anak na babae sa pagbomba ng Atomic bomb.

●」Pangarap para sa kapayapaan
Madalas kong kinukuwento ang aking mga karanasan bilang biktima ng Atomic Bomb sa aking mga anak. Dinala ko na rin sila sa Peace Memorial Museum at ipinaliwanag ko sa kanila ang sitwasyon noong panahon ng pagbomba.

Bagama’t lagi akong kapos sa oras noon sa araw-araw kong pamumuhay at hindi ko man lang magawang bisitahin ang libingan ng aking pamilya, nagyon ay madalas kong nagagawa ito pati ang pakikipag-usap ng konti sa dati naming mga kapitbahay bago umuwi ng bahay. Kung nabubuhay lamang ang aking ina, gagawin ko ang lahat para lamang masiyahan siya at ipapadama ko sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin. Kaya, tuwing makakasalubong ko ang sinumang nasa edad ng aking ina, para bang hindi ko magawang iwanan sila ng ganoon na lang, dahil gusto kong gawin ang anumang bagay para masiyahan sila tulad ng nais kong gawin sa sarili kong ina.

Sa dami ng buhay na nasakripisyo sa pagbomba ng Atomic Bomb, nagpapasalamat ako sa kalagayan ng katawan ko ngayon. At kung iisipin ko ang namatay kong ina, nais kong magkaroon ng mahaba at masiglang buhay alang-alang sa aking mga anak.

 

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語