国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Ang mga dinanas ko sa pagbomba ng Atomic Bomb 
TANAKA Tsunematsu(TANAKA Tsunematsu) 
Gender Male  Age at time of bombing 31 
Year written 2008 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

●Ang pamumuhay noon
31 taong-gulang ako noon, nagtatrabaho sa Chugoku Haiden Corp. (kasalukuyang Chugoku Electric Power Co.) sa Komachi at umuupa ng bahay sa Otemachi kasama ng aking asawang si Mikie at ang aming dalawang anak (tatlong taong-gulang na lalaki at babae na nasa ikapitong buwan). Siguro ay nasa 20 o 21 taong-gulang ako noon, dahil nakapasok ako sa Chugoku Haiden pagkatapos magtapos sa Onomichi Middle School at makuha ang aking lisensiya sa pagmamaneho noong Pebrero 1934. Noong namamasukan ako sa Chugoku Haiden, dalawang beses akong pinatawag para magsilbi sa bansa, mula Septiyembre 1937 hanggang Enero 1941 at muling naglingkod mula Septiyembre 1942 hanggang Nobyembre 1943. Habang namamasukan bilang manggagawa ay nagawa ko rin na gampanan ang aking tungkulin sa bansa.

Pagkatapos ng matinding pagbomba sa Kure sa may katapusan ng Marso 1945, marami akong nakitang eroplanong pandigma na galing sa aircraft carrier na lumilipad na parang pulutong ng tutubi. May mga underground air-raid shelter, na ginawa siguro ng mga residenteng naunang tumira sa pook na ito. Tuwing magkakaroon ng pagbomba, tumatakbo ako patungo sa shelter. Napakahirap ang sitwasyong ito para sa maliliit na bata tulad ng aming mga anak na tatlong taong-gulang at ang isa naman ay nasa ikapitong buwan. Habang tinitingnan ang isang bata ay papalabas naman ang isa sa shelter. Nagpasiya ako na hindi na namin kaya ang ganitong kalagayan. Kaya sa katapusan ng Marso, isinama ko ang aking asawa at dalawang anak sa bahay ng aking mga biyenan sa Mukaeda, sa nayon ng Wada, lalawigan ng Futami (kasalukuyang Mukoueta-machi, siyudad ng Miyoshi). Dahil nasa digmaan kami noon, iniwanan ko sa bodega ng kompanya ang lahat ng aming mga gamit sa bahay at itinakas ko ang aking pamilya ng walang dalang mga gamit o ari-arian.

Pagkatapos kong maitakas ang aking pamilya, tumira muna ako ng pansamantala sa bodega ng kompanya. Sa umpisa ng Mayo, pagkatapos kong bumalik mula sa paglagi sa tahanan ng aking mga biyenan noong nakaraang Sabado at Linggo, natuklasan ko na nasunog lahat ang aming mga gamit sa bahay sanhi ng ginawang pagbomba sa bodega. Dahil wala akong damit na puwedeng ipalit sa suot ko, bumalik agad ako sa nayon ng Wada upang magpagawa ng baro at pantalon sa aking asawa mula sa summer kimono at pagkatapos ay sumakay ako sa unang tren patungo sa trabaho noong Lunes na iyon. Dahil nawalan ako ng pansamantalang lugar na matitirahan, umupa ako ng kuwarto sa isang bahay sa Ushita-machi sa tulong ng isang kasama sa trabaho at lumagi ako doon hanggang sa pagbomba ng Atomic Bomb.

●Pinsala mula sa pagbomba ng Atomic Bomb
Noong mga araw na iyon, kapag nagpalabas ng red alert sa gabi, sa utos ng tanggapan ng munisipiyo ay ginagampanan ko ang aking tungkulin bilang isang “night watch” o bantay habang suot ang aking damit pantrabaho. Ito ay tinatawag na “pagtawag sa guwardiya.” Ang tungkuling ito ay ibinibigay sa mga beterano. Sa gabi ng Agosto 5, nagpalabas ng isang red alert kaya pumunta ako sa lugar na itinakda para sa akin sa Yanagibashi upang isagawa ang aking tungkulin bilang bantay sa gabi. Karaniwan, ang umpisa ng trabaho pagkatapos ng araw na isinagawa ang pagbantay ay medyo nahuhuli, mula 8:00 hanggang 8:30 ng umaga, subalit sa araw na iyon ay hindi ako nakatanggap ng impormasyon kung mahuhuli ba ito o hindi. Kaya pumasok ako sa kompanya sa 8:00 ng umaga noong ika-anim, ang araw matapos isagawa ang bantay sa gabi, at ito ang dahilan kung bakit ako nakaligtas sa kapahamakan.

Dahil may 30 minutos pa bago mag-umpisa ang aking trabaho, pumunta ako sa basement para gamitin ang banyo na nakalaan para sa mga manggagawa at inumpisahan kong labhan ang damit pantrabaho na ginamit ko noong nakaraang gabi. Habang nakayuko ako sa paglalaba, bigla na lang akong napatalsik patungo sa likuran sanhi ng pagsabog sa harapan ko. Tumama ako sa isang pader at nawalan ng malay-tao. Wala akong matandaan sa nangyari kundi ang matinding kislap. Noong matauhan ako, napansin kong madilim at masyadong maalikabok ang paligid. Subalit noong makita ko ang apoy mula sa ikaapat o ikalimang palapag, tila luminaw ang aking isipan sa kakaisip ng paraan para makatulong ako sa sitwasyong ito. Halos wala akong makita sa harapan, kaya nangapa na lang ako sa kadiliman habang iniisip ang anumang bagay na natatandaan ko sa lugar na ito. Minsan ay nabubunggo ako sa pagsulong, sa pag-aakalang may hagdanan sa aking harapan, hanggang sa marating ko ang tanggapan ng security guard sa unang palapag ng gusali. Mula rito ay nakikita ko na ang daanan ng tren. Pagdating ko sa daanan ng tren, nakita ko ang isang tren na nakatumba sa ibabaw ng isang bahay at dito ko nalaman kung gaano kalubha ang sitwasyon. Walang sinuman ang makapagsabi sa akin kung saan maaring tumakas.

Bagama’t itinakda na isang shelter o silungan ang kalawakan ng Hiroshima Prefectural Hiroshima First Middle School na nasa bandang timog mula kompanyang pinapasukan ko, hindi ipinaalam sa akin ang bagay na ito. Naglakad ako patungong hilaga sa may daanan ng tren, lumiko sa kanan bago dumating sa Shirakamisha Shrine at pagkatapos ay nagpatuloy patungo sa silangang bahagi sa kalye ng Takeya-cho. Habang tumatakas ako mula sa kapahamakang nagaganap, nakita ko ang isang babae (hindi ko alam ang edad) sa Hiroshima Prefectural Hiroshima First Women’s High School, na naipit sa ilalim ng bakod na nabuwal sanhi ng pagsabog ng bomba. Umiiyak siya at napansin kong nakabaon ang katawan niya mula sa leeg. Subalit, wala ako sa kondisyon para tumulong dahil duguan din ako at may mga piraso ng salaming nakatarak sa aking likod, na punong-puno na ng dugo.

Pagkatapos ay naglakad ako patungong timog, sa may ilog ng Takeya at mula doon ay nagpatuloy ako patungo sa tulay ng Miyuki. Bagama’t ang tawag dito ay ilog ng Takeya, sa katunayan ay mukhang isang bambang lang ito na dumadaloy sa ilalim ng Fukuya at ni hindi ito makikita sa anumang mapa ng Hiroshima. Habang papalayo ako sa panganib, wala naman akong makitang ibang taong tumatakas kundi mga taong nasa isang bahay sa kabilang panig ng ilog ng Takeya na abala sa pag-aalis ng mga bagay na nagkalat sa paligid habang sinasabing, “Napakaseryoso ng pangyayaring ito.” Hindi ko alam kung anong oras noon pero siguro may katagalan din ang lumipas mula noong tumakas ako.

Bago ako tumawid sa tulay ng Miyuki, may dumaan na truck ng military. Nakiusap ako sa nagmamaneho nito na isakay ako hanggang sa piyer ng Ujina, kung saan sumakay ako sa isang bapor patungo sa pook na masisilungan sa isla ng Ninoshima. Sa islang ito, napakahirap ang kalagayan at maraming taong sugatan ang tumakas dito para humanap ng masisilungan. Bagama’t may mga manggagamot sa pook na ito, hindi ko mapagamot ng maayos ang aking mga sugat at may mga piraso ng salamin na nanatiling nakatarak sa aking likod. Simpleng panggagamot lamang, tulad ng paglagay ng benda sa mga sugat, ang maaring ipagkaloob dito. Hindi rin ako makatulog sa ingay ng mga taong nasa paligid. May mga taong tila nababaliw, mga sumisigaw at mga taong nagrereklamo sa ingay ng mga ito, may mga tumatakbo sa kalaliman ng gabi kung kailan natutulog ang karamihan at mga taong nagagalit sa ingay nila. Hindi ako kumain sa ika-anim. Sa umaga ng ikapito, nakatanggap ako ng lugaw na isinalin sa aking lalagyan na gawa sa tubo ng kawayan. Kinain ko ang lugaw kasabay ng isang piraso ng umeboshi o pickled plum. Ito lamang ang pagkain namin sa isla ng Ninoshima.

Dahil sa hirap ng buhay na dinaranas namin sa islang ito at pangagamba na baka mamatay ako sa patuloy na paglagi dito, pinakiusapan ko ang isang sundalo na payagan akong umuwi. Sumakay ako sa isang bapor pabalik sa piyer ng Ujina sa umaga ng ikapito. Mapalad ako dahil nakasalubong ko ang isang truck at tinanong ko ang nagmamaneho nito kung saan siya patungo. Papunta daw siya sa City Hall, kaya nakiusap akong makisakay. “Sige, sakay na!” Pumayag agad siya at ibinaba ako sa harapan ng gusali. Pagkatapos bumaba ay nagpasalamat ako sa kanya. Dahil nasa bandang hilaga mula City Hall ang kompanyang pinapasukan ko, naispan kong lakarin na lang ito. Pagdating ko sa kompanya, may dalawang kawani sa reception desk. Sinabi ko sa kanila, “Gusto kong sumilong sa tahanan ng aking mga biyenan sa Miyoshi,” at pagkatapos ay ibinigay ko sa kanila ang address. Lumakad ako patungo sa dormitoryo sa Ushita-machi sa pamamagitan ng Kamiya-cho at Hacchobori. Lumagi ako ng magdamag sa pook na ito at sa ikawalo ay sumakay ako ng tren mula sa estasyon ng Hesaka patungo sa nayon ng Wada, kung saan nakasilong ang aking asawa at mga anak. Nagmadali ako patungo sa bahay ng aking biyenan, habang iniisip na baka nag-aalala na ito sa akin. Hindi ko masyadong matandaan kung ano ang nangyari patungo sa lugar na iyon dahil nakatuon ang isipan ko sa dami ng mga bangkay na nakasalansan sa tulay ng Kohei.

●Sitwasyon pagkatapos ng pagbomba ng Atomic Bomb
Pagdating ko sa nayon ng Wada, nabaling ang aking pansin sa mga piraso ng salamin na nanatiling nakatarak sa likod ko. Araw-araw ay pumupunta kami ng aking asawa sa ilog at tinutulungan niya akong hugasan ang sugat ko sa likod. Namuo ang dugo sa parteng ito na parang karbon na kumapit sa aking likod. Habang tinatanggal ng asawa ko ang namuong dugo sa pamamagitan ng karayom, may mga bubog ng salamin na kasamang natanggal. Palagay ko ay may isang linggo o sampunng araw ang ginugol niya sa pagtanggal ng namuong dugo at mga bubog ng salamin sa aking likod. Sa bandang 1950 at unang bahagi ng 1960, salungat sa aking pag-aakalang gumaling na ito ng husto, nagkaroon ng nana sa bahaging apektado sanhi ng mga natirang bubog ng salamin sa loob nito. Pumunta ako sa isang ospital sa Sakai-machi na maaring magsagawa ng operasyon upang ipatanggal ito.

Pagkalipas ng maikling panahon matapos akong dumating sa nayon ng Wada, bago isinagawa ang operasyon para tanggalin ang natitirang bubog ng salamin sa aking likod, binisita ako ng aking ama mula sa Onomichi. Dahil nawalan ako ng komunikasyon sa aking mga kamag-anak sa Onomichi mula ng ibagsak ang bomba, inakala ng aking ama na kasama ako sa mga namatay kaya pumunta ito sa nayon ng Wada para pagpasiyahan kung saang panig ng pamilya ang dapat mag-asikaso ng aking libing. Subalit laking gulat at saya nito noong malaman na buhay pa ako. Pagkatapos uminom ng coarse tea habang nakaupo sa bukas na beranda, bumalik agad siya sa Onomichi.

Sa paglagi ko sa nayon ng Wada, wala naman akong napansin na abnormalidad sa loob ng aking katawan at tila maayos naman ang aking kalagayan. Pagkatapos ng tatlong linggong pagpapahinga, bumalik ako sa Hiroshima sa may katapusan ng Agosto o umpisa ng Septiyembre para bumalik sa trabaho.

Pagkalipas ng maikling panahon pagkatapos kong bumalik sa trabaho, napansin kong may halong dugo ang aking tae. Siguro ay nasa kalagitnaan iyon ng Septiyembre dahil natatandaan kong nag-umpisang malaglag ang mga kastaniyas. Pumunta ako sa bahay ng aking mga magulang sa Onomichi upang magpagaling. Base sa aking kondisyon, akala ng lahat pati ang aking doktor, na nagkaroon ako ng disenterya. Kaya nagkaroon sila ng konsultasyon upang pagpasiyahan kung dapat akong ihiwalay sa iba. Subalit tumigil ang aking pagdurugo pagkatapos kong kumain ng kanin na may halong kastaniyas, na niluto ng aking kapatid na babae para sa akin. Parang himala ang nangyari pero naniniwala ako na nakatulong ng husto ang pagkaing gawa ng aking kapatid sa aking karamdaman. Habang nasa Onomichi, gumaling na ang lagay ng aking tiyan pagkatapos ng ilang araw ng pagpapahinga at balanseng pagkain. Kaya, bumalik uli ako sa Hiroshima at sa aking trabaho.

●Buhay pagkatapos ng digmaan
Pagkatapos kong bumalik sa trabaho, nalaman ko na maraming manggagawa ang nawalan ng sariling tirahan. Nakasama ko silang tumira sa ikalimang palapag ng gusali ng kompanya. Sa umpisa ay kailangang magluto kami ng sariling pagkain, pero di nagtagal ay kumuha ng mga kusinero ang kompanya para maghanda ng aming pagkain.

Dahil nakakapagmaneho ako ng sasakyan, inatasan akong magmaneho ng truck para sa Material Section ng General Affairs’ Department. Naghahatid ako ng mga materyales sa bawat power plant sa Hiroshima Prefecture.

Noong 1946, bumalik ang aking pamilya sa Hiroshima upang makasama ko sa pagtira. Ipinagpatayo kami ng bahay ng aking mga kasama sa trabaho sa Enomachi na gawa sa haliging kinulekta nila pagkatapos ng trabaho. Magmula noon ay tumira kami ng 30 taon sa Enomachi.
Bagama’t maraming paghihirap ang aming dinaranas, hindi kami nawawalan ng pagkain dahil nakakakuha kami ng bigas sa aking biyenan. Subalit wala kaming damit at mga kagamitan sa kama dahil naiwan ko ang mga ito sa bodega ng kompanyang pinapasukan at kasama ito sa mga nasunog. Kaya nag-umpisa kami ng walang-wala at umasa lamang sa kabutihan ng ibang tao; paggawa ng sariling panloob mula sa summer kimono at pagtanggap ng mga kagamitan sa kama mula sa aking mga magulang na nakatira sa Onomichi.

●Kalusugan
Noong Hulyo 1947, ipinanganak ang aming pangalawang anak na babae. Nag-alala uli ako na baka magkaroon ito ng abnormalidad dahil sa masamang epekto ng pagbomba ng Atomic Bomb. Tuwing magkakaroon siya ng pagdurugo sa ilong o di kaya’y may karamdamang kakaiba sa ibang kabataang kaedad niya na nasa Kindergarten, agad kong pinaghihinalaan na ito ay may kaugnayan sa pagbomba ng Atomic Bomb.
Noong 1956, natuklasan ko na mayroon akong Tuberculoma, na isang uri ng tumor kung saan napag-alaman na bumaba ang aking average white cell count sa 2,000 (bumaba hanggang 1,000 bilang pinakamababang sukat). Bumaba ang aking timbang ng 8 kg mula sa dati kong bigat na 65 kg. Sa pagitan ng 15 buwan, mula Hulyo 1956 hanggang Septiyembre 1957, lumagi ako sa ospital sa Hara, Hatsukaichi-machi (kasalukuyang Siyudad ng Hatsukaichi) at hindi ako nakapagtrabaho ng dalawang taon. Sa umaga ng Hulyo 7, sa araw ng aking pagpasok sa ospital na natapat sa araw ng Tanabata o Star Festival, kinausap ako ng aking anak na babae na nasa ikalawang baitang habang kumakain kami ng almusal. “Sa araw na ito ay magpupulong ang mga bituin, pero kailangang maghiwalay tayo, di ba?” Napaiyak kaming lahat sa sinabi niya.

Mula noon ay maayos naman ang aking pangangatawan at hindi nagkaroon ng anumang malalang sakit, hanggang sa nakaraang sampung taon o higit pa kung saan nagkaroon uli ako ng pagdurugo sa oras ng pagdumi. Kapag lumalabas ang ganitong sintomas, lumalagi ako sa Red Cross Hospital hanggang sa tumigil ang pagdurugo o di kaya’y maturukan ng medisina para tumigil ito.
Noong nakaraang apat na taon kung kailan isinagawa ang aking operasyon para sa prostate cancer, natanggap ko ang isang certificate o pagpapatunay kung saan kinikilala ako bilang isang biktima ng pagbomba ng Atomic Bomb.

●Mga palaisipan sa kasalukuyan
94 taong-gulang na ako ngayon at nagpapasalamat lang ako dahil nabigyan ako ng pagkakataong mabuhay ng ganito katagal. Dahil sa aking asawa ay nandito ako. Napakabait din ng aking mga anak sa akin. Nagpapasalamat ako sa lahat para sa mga kabutihang ipinagkaloob nila sa akin.

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語