国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Muntik na akong mamatay 
SHIMASAKI Jiro(SHIMASAKI Jiro) 
Gender Male  Age at time of bombing 14 
Year written 2007 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

●Agosto 6
Noong panahong iyon, mahigit sa isang oras ang biyahe ko patungo sa Hiroshima Machinery Works ng Mitsubishi Heavy Industries sa Minami-Kanonmachi. Sumasakay ako ng tren sa Saijo at lumilipat sa tramway para tuparin ang aking tungkulin bilang mag-aaral na inatasang tumulong sa industriya ng bansa. Ikaapat ako sa limang magkakapatid na lalaki at babae: isang kapatid na lalaki, dalawang nakakatandang kapatid na babae, ako at ang aking nakakabatang kapatid na babae. Ang kapatid kong lalaki ay nasa Kyushu upang gampanan ang kanyang tungkulin sa military.

Noong ako ay nasa ikalawang taon ng pag-aaral sa Hiroshima Prefectural Hiroshima Second Middle School, nakansela ang lahat ng klase at inatasan akong tumulong sa iba’t-ibang pabrika. Mula sa katapusan ng taong 1944, nag-umpisa akong mamasukan sa pabrika ng Mitsubishi Kanon.

Noong Agosto 6, naranasan ko ang pagbomba ng Atomic Bomb kasama ng ilang kaibigan habang naglalakbay kami patungo sa pabrika. Sa palagay ko ay malapit ito sa general sports ground ng Minami-Kanonmachi, na humigit-kumulang ay 4 kilometro mula sa binagsakan ng bomba o ground zero. Kung sakaling sumakay ako sa sumunod na tren, baka namatay na ako dahil sa direktang epekto ng Atomic Bomb. Talagang muntik na akong mamatay.

Sa mga sandaling isinagawa ang paghulog ng Atomic Bomb, napansin ko ang matinding sinag ng ilaw mula sa aking likuran. Natatandaan ko pa kung paano uminit ang aking leeg. Pagkatapos ng matinding pagsabok, nabuwal ako sa lupa at nawalan ng malay. Pagkalipas ng limang minuto, binuksan ko ang aking mga mata. Pinagmasdan ko ang aking paligid at napansin ko na halos walang natira sa pabrika kundi ang mga suportang bakal dahil tinangay ang bubong nito, kahit may distansiya na 4 kilometro mula sa binagsakan ng bomba.

Ano ba ang nangyari? Hindi kaya binomba ng eroplanong B-29 ang pabrika na kung saan ako inatasang magtrabaho. Pero hindi, kumpara sa pagbomba ng B-29, parang tunog ito ng pagsabok ng tangke ng gas sa Minami-machi. Iba’t-iba ang opinyon ng aking mga kaklase. Sigurado ko na ikinansela ang yellow alert. Sa bandang 8:15 ng umaga, walang sinuman ang nakahanda. Bago mag 8:00 ng umaga, ipinalabas ang isang red alert. Pagkatapos ay pinalitan ito at ginawang yellow alert at tuluyang kinansela sa bandang 8:05 ng umaga. Sigurado kong may narinig akong sirena bilang pagkansela sa babala o alert.

Pagkatapos nito, may pinalabas na kautusan: “Nasusunog ang buong siyudad. Ang lahat ng nandito sa araw na ito ay kailangang umuwi sa inyong mga tahahan.” Kaya naglakbay kami patungong silangan sa ilalim ng ulan na kulay itim. Sa aking paglalakad ay dinaanan ko ang Eba, Yoshijima at Senda, bago tumawid sa tulay ng Miyuki sa direksiyon ng Hijiyama. Sa pagtawid ko sa tulay, marami ang humatak sa aking paa para humingi ng tubig habang sumisigaw ng “Pahingi ng tubig, pahingi ng tubig!” Pero akala ko ay nasugatan lamang sila dahil hindi ko naman alam ang tunay na dahilan ng kanilang pagkasugat at pagkapaso. Natakot ako dahil bigla na lang akong hinatak at sinabihang “Hoy ikaw, bigyan mo ako ng tubig, pahingi ng tubig. Nasugatan ako at nauuhaw….” Masuwerte ako dahil hindi naman ako dumanas ng pinsala mula sa pagbomba ng Atomic Bomb. Kaya wala akong magawa kundi ipagpatuloy ang aking paglalakad habang nakatulala at naguguluhan sa kakatingin sa dami ng mga taong nasugatan.

Noong naglalakad ko sa bungad o paanan ng bundok ng Hijiyama, natatandaan ko na may nakita akong katawan ng isang sundalo na pulang-pula. Ang balat niya ay natanggal na at nakalawit ito mula sa kanyang katawan. Humihinga pa siya subalit matindi ang pagkasira ng kanyang anyo. Bumaling ang tingin niya sa akin, itinuro ang daliri sa direksiyon ng isang bangkay at sinabing, “Kailangan kong isakay ito sa kariton. Pakihawakan mo nga ang paa nito?” Natakot ako ng husto at hindi ko magawa ang pakiusap niya. Sa bandang bungad ng bundok ng Hijiyama, maraming tao ang hindi gaanong nasugatan dahil malayo ito sa pook na binagsakan ng bomba at karamihan sa kanila ay tumutulong sa sundalo para dalhin ang bangkay ng mga namatay. Siguro ay namatay din ang sundalong ito pagkalipas ng ilang araw.

Hindi ko masyadong alam kung anong oras, pero bandang hatinggabi na noong makarating ako sa estasyon ng Kaita. Ayon sa impormasyon, may tren patungo sa Saijo na aalis sa Kaita sa hatinggabi, kaya mahigit sa isang oras akong naghintay bago ako nakasakay. Dumating kami sa Saijo, parang sardinas ang sikip sa loob ng tren at hindi ko makilala ang mukha ng mga taong sumundo sa estasyon. Dahil may kautusang nagbabawal sa pagsindi ng ilaw, hindi ko makumpirma kung sino ang sumundo sa akin, kaya sinikap kong pakinggan na lang ang mga boses sa paligid at may nagsalita ng, “Nahirapan ka siguro ng husto. Nabalitaan ko na nakakatakot talaga ang nangyari.”

●Sitwasyon sa ikapito at pagkatapos nito
Ayon sa impormasyon, nagtatrabaho sa bundok ng Hijiyama ang aking tiyuhin noong ibinagsak ang Atomic Bomb. Kaya sinamahan ko ang aking tiyahin patungo sa Hiroshima upang hanapin ang aking tiyuhin doon. Bagama’t hindi ko masyadong sigurado kung sumakay kami sa isang truck patungo sa siyudad o kung paano kami nakarating doon, lumuwas kami sa madaling araw ng ikapito habang umaasa sa balitang nakasilong sa isang gusali sa Ujina ang aking tiyuhin. Dahil nakapag-aral ako noon ng tatlong taon sa Hiroshima Second Middle School, nakabisado ko na ang pasikot-sikot sa siyudad. Kaya sinamahan ko ang aking tiyahin para maging gabay niya.

Natagpuan namin ang tiyuhin ko sa isang silungan o shelter sa Ujina. Natatandaan ko na ang shelter na ito ay isang bodega na malapit sa piyer. Sa kalapit na pasilyo, nilalapag ng ilang sundalo sa isang linya ang mga bangkay at sinabing, “Kamamatay lang ng isang ito. Kailangang ilipat ang bangkay niya sa pasilyo”. Sinabi naman ng isang sundalo sa akin, “Patay na ang taong ito. Pakihawakan mo nga ang ulo niya”. Sobra ang takot ko para tumulong. Ang mga namatay ay inilipat sa pasilyo ng ilang grupo ng tao. Kahit ang bangkay ng isang babaeng hubad na siguro ay nasa 20 taong gulang ay inilapag na lang sa sahig dahil umitim na sa pagkakasunog ang katawan nito.

Bagama’t naiuwi namin ang aking tiyuhin sa Saijo mula sa Ujina, namatay siya sa ikasampu, tatlong araw matapos umuwi ng bahay. Ang bangkay niya ay sinunog sa isang crematory na malapit sa aming bahay at nandoon ako para tumulong. Noong nakaraang dalawang taon ay namatay ang aking tiyahin. Sinabi niya sa akin noon na siyam na taon lang silang kasal ng aking tiyuhin.

●Buhay pagkatapos ng pagbomba
Siguro ay nasa katapusan iyon ng Oktubre o di kaya’y sa Nobyembre kung kailan naibalik sa dati ang mga klase sa Hiroshima Second Middle School. Natatandaan ko na nagtayo kami ng kubo sa dating lugar na tinatayuan ng Hiroshima Second Middle School sa Kanon at patuloy kaming pumasok sa klase na nanginginig sa ginaw sa loob ng silid aralan na walang heater habang umuulan ng yelo. Ang gusaling ito ay walang bintana. Bago naibalik ang pasukan sa Kanon, isinagawa ang mga klase sa gusali na nakalaan para sa mga kababaihan o Girl's School sa Kaita o sa gusali ng elementary school na hindi gaanong nasira.

Dahil nais kong ipagpatuloy ang aking pag-aaral patungo sa mataas na baitang, kailangang pumasok ako sa klase para makuha ang nararapat na credits. Kaya tiniis ko ang lamig at nagpasalamat na lang na kahit papaano ay naidadaos pa rin ang klase kahit nasa loob kami ng isang kubo. Ang middle school na ito ay nasa lumang sistema. Nagtapos ako sa taong 1947, noong nasa ika-limang taon ako sa paaralan. Pagkatapos ng middle school, pumasok ako sa Hiroshima Industrial College sa Senda-machi.

Sa pagtapos ko sa Hiroshima Industrial College sa pagitan ng 1955 at 1964, kung kailan dumarami na ang mga kotse o sasakyan sa mundo, naisipan kong magtayo ng isang driving school. Sa tulong ng mga kakilala sa driving course, dinampot namin ang pala at inumpisahan namin ang pagtatayo nito. Sa pamamagitan ng nakuha kong credits sa Hiroshima Industrial College, nakamit ko ang certification bilang isang tagapagturo ng basic knowledge at practical skills. Mula sa taong 1960, namasukan ako sa isang driving school sa siyudad bilang Chief Instructor.

Sa taong 1966, tumigil ako sa trabaho ko sa driving school. Dahil nakiusap sa akin ang kapatid kong lalaki na tulungan siya sa pangangasiwa ng nursing home at iba pa, nagpasiya akong tulungan siya sa kanyang kalakal. Ipinagmamalaki ko ang aking kapatid na lalaki na nagsilbi din bilang persidente ng medical association. Mula noon ay nagtulungan kami sa pangangasiwa ng kalakal, subalit biglang namatay ang kapatid kong ito sanhi ng hemorrhage sa utak. Hindi ako makatulog ng tatlong araw dahil sa sobrang lungkot at pagkadismaya. Gawain niya ang bumisita sa mga pasilidad sa Miyajima at Yuki. Sa paglalakbay niya sa malayong lugar, ako ang naging tsuper niya samantalang ginagampanan niya ang tungkulin bilang director o tagapangasiwa ng ospital. Pakiramdam ko ay dapat suportahan ko siya, kahit sa pagiging personal na tsuper niya. Ibinuhos niya ang kanyang buhay sa pag-aaral samantalang ang hilig ko naman ay sa sports. Nagkaisa kaming dalawa patungo sa iisang layunin. Ang pagpanaw niya ay nagdulot ng malaking kalungkutan para sa akin.

●Trabaho, pag-aasawa at ang naging epekto ng pagbomba
Papalapit na ang aming golden wedding anniversary bilang mag-asawa. Noong ikinasal kami, iniwasan kong sabihin sa magiging asawa ko na biktima ako ng pagbomba ng Atomic Bomb. Alam ko kasing iba ang tingin ng mga tao kapag nalamang bikitma ako ng pagbomba, kaya sinabi ko sa kanya noon na, “Naranasan ko rin ang pagbomba pero limang kilometro ang layo ko sa pinaghulugan ng bomba sa dulo ng Minami-kanon, kung saan namamamsukan ako sa Mitsubishi. Kaya walang anuman iyon at hindi naman ako napinsala nito”. Mukhang hindi naman gaanong inintindi ng asawa ko kung biktima ako o hindi. Alam ng aking anak na lalaki, na may malawak na kaalaman bilang isang parmasiyutika, na siya ay isang second-generation na biktima ng Atomic Bomb. Noong ipinanganak ang aming anak na lalaki at babae, medyo nag-alala ako sa magiging kalagayan nila. Palihim kong siniguro na wala silang diperensiya o abnormalidad.

Sa tingin ko, epekto ng ginawang pagbomba ang pamamaga sa likod na aking leeg pagkalipas ng sampung taon mula ng ihulog ang Atomic Bomb. Hindi naman ito kumakalat o malignant, pero medyo may kalakihan ang pamamaga nito na tila ba isang bagong nilalang. Nagsimula itong lumabas sa bahaging tinamaan ng sinag mula sa pagsabog ng bomba. Isinagawa ang operasyon para tanggalin ang pamamagang ito ngunit bumalik uli pagkatapos ng sampung taon. Pagkatapos nito ay wala namang iba pang pamamaga ang lumabas. Isa pang epekto ng pagbomba ay ang mabilis na pagkabulok ng aking mga ngipin kumpara sa ibang tao. Ang ibang biktima naman ay nakakaranas din ng pagkalagas ng buhok. Ang epekto nito ay iba para sa bawat tao. Hindi naman nalagas ang buhok ko. Ang karaniwang nararamdaman ng mga biktima ay ang panghihina o pagkapagod ng katawan. Kaya tuloy sa aking trabaho ay naghihinala ang aking boss na baka tinatamad akong magtrabaho dahil madali akong mapagod kumpara sa iba na may parehong gawain. Ang sabi niya, “Hindi naman napapagod ang ibang tao sa ganitong mga gawain. Napapagod ka dahil tamad ka lang”. Sa trabaho, mahirap talaga kapag ganitong madaling mapagod ang katawan mo.

●Pangarap para sa kapayapaan
Sa pagpapahayag sa kahulugan ng pagbomba ng Atomic Bomb at kapayapaan sa bagong salinlahi, sa tingin ko ay kailangan ng konting galing o talino sa pananalita. Noong ibinagsak ang Atomic Bomb, sa isang kisap-mata ay gumuho ang mga gusali at biglaan ang pagkamatay ng mga tao. Kaya sa pagpapahayag ng pangyayaring ito, kailangang gamitan ito ng galing sa pananalita upang paipaabot ang mensahe nito. Hindi sapat na sabihin ng paulit-ulit na, “Nakakatakot talaga” o di kaya’y ipaliwanag na, “Sayang at hindi ko nagawang bigyan ng tubig ang mga taong nangangailangan nito. Kailangan kong tumakas mula sa paparating na apoy sa ilalim ng tulay”. Hindi nito naipapahayag ng husto ang mga pangyayari. Ang kalupitang dulot ng pagbomba ay hindi naipapadama sa pagsabi ng, “Mayroon kaming isang Peace Memorial Museum sa Hiroshima Peace Memorial Park. Inaanyayahan namin kayong bumisita dito. Mayroon po tayong punong-kahoy na nagsisilbing simbolo ng kapayapaan”. Sa ganitong paraan ng pagpapahayag, hindi naipaparating sa isipan ng tao ang mahalagang mensahe mula sa pagbomba ng Atomic Bomb. Dinaanan ng isang buhawi ang Hokkaido noong nakaraang araw at marami ang namatay. Sa isang video ay makikita ang pagwasak na iniwanan ng buhawi, katulad ng pinsalang nagawa pagkatapos bumagsak ang Atomic Bomb. Napakalakas at totoong-totoo ang pangyayaring ito. Kahit batang musmos ay makakaintindi sa tunay na anyo ng kapahamakang ito. Bukod pa rito, biglang gumuho, sumabog at nagliyab ang mga gusali. Mahigit sa 200,000 katao ang namatay sa isang kisap-mata. Ang mga video na kuha sa mga kapahamakang tunay na naganap ay nakakapagpahayag ng husto sa tunay na anyo ng pagbomba ng Atomic Bomb.

Pagkatapos ng pagbomba, may mga professional na potograpo mula sa pahayagang Mainichi Shimbun at Asahi Shimbun ang pumunta sa Hiroshima upang kunan ng larawan ang mga napinsalang lugar. Kahit may karanasan ang mga ito sa pagpunta sa mga lugar na may digmaan, walang digmaan o trahediya ang makakapantay sa pinsalang natamo ng Hiroshima mula sa paghulog ng Atomic Bomb. Ano ba ang susi para maipahayag ng husto ang nangyaring trahediya? Sa tingin ko ay mahalagang magkaroon ng galing o talino sa pagpapahayag nito.

Nag-aaral ako noon sa Hiroshima Second Middle School at maraming mag-aaral sa mas mababang baitang ang pumanaw sa pagbomba. Ang ilang kaklase kong nakaligtas sa pagbomba ay pumanaw na kailanlang. Nakakalungkot para sa akin ang pagkamatay ng nag-iisa kong kapatid na lalaki. Sa kasalukuyan, ako ay may kapansanan at inaalagaan ng aking asawa. Sana ay mabuhay pa ako ng dalawang taon. Masaya na ako kung sakaling mabigyan ng pagkakataong maibahagi sa mga bagong salinlahi pati mga maliliit na bata at mag-aaral sa elementary school, ang aking mga karanasan kahit isang beses sa loob ng isang linggo o dalawang linggo. Sa ganitong paraan ay maari kong lisanin ang mundong ito ng walang pagsisisi o panghihinayang.

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語