国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Dahil sa pagbomba ng Atomic Bomb, nawalay sa akin ang dalawa kong anak na babae 
FUJII Makie(FUJII Makie) 
Gender Female  Age at time of bombing 22 
Year written 2006 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

●Sitwasyon bago naganap ang pagbomba ng Atomic Bomb
Ang pamilya ko ay nakatira noon sa tabing-ilog na may 100 metro mula sa tulay ng Yokogawa sa bahaging silangan, sa bandang 1-chome ng Yokogawa-cho. Sa panahong ito, apat kami sa pamilya: ako at ang aking asawa na si Kiyoshi, ang aming tatlong taong-gulang na panganay na babae na si Kazuko at bunsong babae na si Kiyomi na may anim na buwan.

Bago ibinagsak ang Atomic Bomb, may isang pangyayari na natatandaan ko ng husto. Sa panahong iyon, tuwing makakarinig kami ng pagtunog ng sirena, agad akong tumatakbo patungo sa isang hukay sa ilalim ng lupa, kasama ng aking dalawang anak. May ilang araw din na paulit-ulit na nangyari ito.

●Pinsala mula sa pagbomba ng Atomic Bomb
Sa umaga ng Agosto 6, nakakuha ng day-off sa trabaho ang aking asawa at nasa bahay ito dahil nakatanggap siya ng military draft order. Dahil nakansela ang red alert, kasama ko ang aking mga anak sa paglalaro ng habulan sa itaas na bahagi ng bahay.

Mula sa bintana, bigla na lang may pumasok na nagbabagang bola ng apoy. Dahil dito ay nabuwal kami ng aking mga anak, na para bang hinigop ng lupa.

“Nanay nandito ako, nandito ako!”, ang sigaw ng panganay kong anak sa bandang paanan ko. “Kazuko, antayin mo at kukunin kita diyan”, ang sagot ko naman sa kanya pero hindi ko magawang ikilos ang anumang parte ng katawan ko pati leeg ko dahil nakaipit ang aking buong katawan sa pagitan ng mga pader at iba pang bagay na nasa loob ng bahay.

Ilang sandali ang lumipas at narinig ko ang boses ng aking asawa na sinisigaw ang pangalan ko sa itaas. “Makieeee, nasaan ka? Makieeee…,” habang palakad-lakad ito sa paghahanap sa aming mag-ina. Pagkatapos ay naramdaman ko ang matinding init. “Papalapit na ang apoy, kahit anong paghahanap ang gawin ko ay hindi ko pa rin malaman kung nasaan kayo. Wala ng pag-asa sa sitwasyong ito at baka hindi ko na kayang hanapin pa kayo”, ang sigaw ng asawa ko na tila nawalan ng lakas mula sa itaas.

“Nandito ako, nandito ako.” Subalit kahit anumang sigaw ko ay hindi pa rin makumpirma ng aking asawa ang kinaroroonan ko. Nakalugmok ako sa ilalim ng mga nabuwal na bagay at hawak ko ang aming bunsong anak na babae habang narinig kong sinabi ng aking asawa na wala ng pag-asa, kung kaya’t niyakap ko ng mahigpit ang aking anak. Sa paghagip ko sa kanya hindi ko napansing natakpan ko pala ang ilong at bibig ng anak ko, kaya tuloy nahirapan itong huminga at napasigaw sa paggalaw. Nagulat ako sa sigaw niya at tuloy napasigaw rin ako, “Nag-aagaw-buhay na ang anak ko!” Siguro narinig ng asawa ko ang mga sigaw ko at tila bumalik ito. Patuloy siya sa paghahanap sa amin habang sumisigaw. “Nasaan kayo?! Nasaan kayo?!” Nakuha niyang gumawa ng maliit na butas at nailabas niya ako pati ang aming anak na babae. Hindi ako makatayo ng matagal dahil medyo nahihilo pa ako sanhi ng pagkauntog ng aking ulo. Sa paligid ay papalapit na ang mga nagbabagang apoy.

Matapos makatakas, napansin kong wala sa tabi namin ang aming panganay na anak na babae at tinanong ko ang asawa ko kung nasaan ito. Ang sagot niya ay, “Wala akong magagawa. Hindi na siya gumagalaw. Patawad”.

“Kazuko-chan, patawarin mo ako. Patawarin mo kami”, ang tanging nasa isipan ko habang patuloy kami sa paglalakad.

Hawak ng asawa ko sa isang bisig ang aming bunsong anak na babae habang akay niya ako sa kabilang bisig patungo sa kaligtasan. Pilit niyang pinapalakas ang loob ko habang sinasabing, “Kailangang maging matatag ka. Konting tiis pa. Kaya mo ito”. Hirap na hirap na ako sa pagsunod sa asawa ko. Kahit saan ay may mga apoy at naisip ko na siguro nalugmok na ng apoy ang bahay namin.

Sa magkabilang bisig ng aking asawa ay suportado kaming mag-ina kaya napapadalas ang pahinga niya dahil sa pagod sa paglalakad. Habang tumatakas kami, may isang babaeng gusot-gusot ang buhok ang humingi ng saklolo habang nakakapit sa paa ng aking asawa at nakiusap na, “Tulungan ninyo kami. Nakalugmok ang aking anak na babae sa ilalim ng haligi. Tulungan ninyo siyang makaahon.” Subalit tinanggihan ng aking asawa ang pakiusap ng babae at sinabing “Gusto ko sana kayong tulungan. Pero nasa malubhang kondisyon ang aking asawa at anak, kaya patawad po.” Mabilis na umalis ng papalayo ang babae. Patuloy ang paglalakad namin habang humihinto ng madalas para magpahinga, hanggang inabot kami ng gabi bago makarating sa tahanan ng kakilala ng aking asawa sa Shinjo.

●Bahay sa Shinjo
Lumagi kami ng tatlong araw sa tahanan ng aming kakilala sa Shinjo. Dahil sa matinding pagkabigla dulot ng pagbomba ng Atomic Bomb, hindi ko magawang pasusuhin ang aming sanggol. Lumabas ang aking asawa para humanap ng gatas dahil kailangan kong humiga sanhi ng pinsalang natamo ko sa aking mga paa.

Hindi ko maiwasang isipin na baka sakaling nailigtas namin ang aming panganay na babae sa pagkakalugmok nito sa ilalim ng gumuhong bahay. Hindi ko mapigilan ang pag-iyak at galit sa sarili dahil sa halip na iligtas siya ay ako ang nakatakas at naiwanan siyang sumisigaw ng saklolo.
Habang nasa bahay ng kakilala namin sa Shinjo, nakita ko ang maraming taong nakalinya na may mga paso sa katawan na tila nahihirapan sa paglakad. Hindi ko mapigilang maiyak sa nakita kong paghihirap kaya sinikap ko na lang na isara ang aking mga mata para hindi ko sila makita.

●Sa bahay ng aking mga magulang sa Yamaguchi
Tatlong araw pagkalipas ng pagbomba ng Atomic Bomb, naibalik sa serbisyo ang tren. Kasama ng aking asawa at bunsong anak na babae, sumakay kami ng tren na puno ng pasahero mula sa Yokogawa Station patungo sa Kogushi sa Yamaguchi Prefecture, kung saan naroroon ang bahay ng aking mga magulang. Sa wakas ay nakarating kami sa Kogushi at lumakad patungo sa bahay ng aking mga magulang. Habang naglalakad patungo sa bahay, napuna ng mga taong-bayan ang aming nakakaawang ayos at sinabing, “Ano kaya ang nangyari? Ano kaya ang nangyari?” Maliit lamang ang bayang ito at kilala kami ng mga tao dito. Hindi ako makapagsalita at dinaanan ko sila ng may luha sa aking mukha hanggang makarating kami sa bahay ng aking mga magulang.

Sa gabing iyon pati sa sumunod na mga gabi, nahirapan akong makatulog dahil binagabag ako ng aking konsensiya, sa kakaisip na nakaligtas ako habang naiwan ang panganay naming anak na babae. Ang pagkabalisa kong ito ay napansin ng aking ina at nakakatandang kapatid na babae kaya naisipan nilang samahan akong matulog sa magkabilang tabi dahil natatakot sila na baka magpakamatay ako. Araw-araw sa kailaliman ng gabi, tahimik akong lumalabas ng bahay at napapaiyak, habang sinasabing, “Patawarin mo ako, patawarin mo ako. Patawarin mo ang makasariling magulang na ito.” Habang nasa Yamaguchi ako, bumalik ang aking asawa sa Hiroshima para hanapin ang natitirang abo ng aming panganay na babae.

Dahil walang lumalabas na gatas mula sa aking suso para ipainom sa aming sanggol, nilibot ng aking ina ang aming mga kabitbahay para humingi ng gatas mula sa ibang ina na nagpapasuso ng kani-kanilang sanggol. Ang sabi ng nanay ko, “Hindi mo kayang bumangon dahil napilay ang iyong paa. Bukod pa rito, may inaalagaan ka pang sanggol. Kaya kailangang magpahinga ka ng husto bago umuwi sa bahay ninyo.” Halos isang taon kaming lumagi sa bahay ng aking mga magulang. Hindi na gumaling ng husto ang pilay sa aking paa hanggang sa kasalukuyan.

●Pagkamatay ng aming bunsong anak na babae
Pagkatapos ng halos isang taong paglagi sa Yamaguchi, bumalik kami sa Hiroshima. Inupahan namin ang isang bahay na malapit sa lumang bahay namin sa Yokogawa.

Sabi ng asawa ko na isang araw ay dinala niya ang aming bunsong anak na babae sa isang pampublikong paliguan. Napansin ng isang tao ang kalagayan ng aming anak at sinabi nito sa asawa ko na, “Parang namamaga ng konti ang likod ng inyong anak”. Dinala namin siya sa isang ospital sa pag-aakalang nabundol niya ang likod noong panahon ng pagbomba. Ayon sa resulta ng pagsusuri, nagkaroon ng nana ang apat na buto sa spinal column niya. Nakiusap kami sa aking mga magulang na alagaan ang bunso namin sa kanilang bahay sa Yamaguchi. Pagkalipas ng ilang taon ay nalungkot ang bata kaya dinala namin siya sa Hiroshima at ipinasok sa ospital. Dahil hindi namin kayang bayaran ang singil para sa pagpapatingin sa doktor, nakiusap ako sa aking ina na bayaran muna ito. Hanggang sa naubos ang lahat ng pera namin at wala man lang kaming maiabot sa aking mga magulang, kaya naisipan naming dalhin ang bata sa aming bahay sa Hiroshima. Bagama’t ginawa namin ang lahat ng aming makakaya, pumanaw ang aming anak noong 1952.

●Pangarap para sa kapayapaan
Ayokong magkaroon uli ng digmaan. Pangarap ko na magkaroon ng isang mundo na kung saan magkahawak-kamay ang lahat. Siguro mas magiging maligaya ang lahat kung magagawa nating bigyan ng konsiderasyon ang kapakanan ng ibang tao sa ating araw-araw na pamumuhay.

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語