国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Pagnanasa para sa Kapayapaan ng Susunod na Henerasyon 
MAEDOI Tokio (MAEDOI Tokio ) 
Gender Male  Age at time of bombing 12 
Year written 2009 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

● Ang buhay bago sumabog ang A-bomb
Noong taong 1945, magkasama kami nakatira ng nanay kong si Hisayo at ang dalawang ate ko sa Kusunoki-cho 1-chome. Kahit nasa unang baitang ako ng Mababang Paaralan ng Misasa, Advanced Department noong panahon na iyon, nagtrabaho ako araw-araw sa mga pabrika at iba pang lugar bilang kasama sa mobilisasyon ng mga mag-aaral, kaya hindi ako nakapag-aral sa paaralan. Pinagtrabaho ako, kasama ang apatnapong kamag-aral doon sa pabrika ng Nissan Motor Co., Ltd.  sa Misasa-honmachi 3-chome. Ang aking dalawang ate ay nagtrabaho din, si Kazue sa Hiroshima Postal Savings Branch at si Tsurue sa pabrika ng uniporme ng sundalo sa Hiroshima Branch.

● Ika-6 ng Agosto
Noong umagang iyon, ako ay nagtatrabaho bilang mobilized na estudyante sa Nissan Motor Co., Ltd.  Kami ay nakakalat sa loob ng pabrika, at ako ay nasa opisina kung saan ginampanan ko ang trabaho tulad ng pagbibigay ng mga piesa sa mga trabahador pag kinakailangan nila.  Noong oras na iyon, kinailangan ang mga turnilyo, kaya umalis ako sa opisina hawak ang dalawang kahon at lumakad patungo sa pabrika na nasa likod ng gusali.  Bigla nalang, ako ay nabalot sa asul na ilaw na parang apoy na sumabog galing sa gas burner, at sabay nawala ang aking paningin at ang pakiramdam ko ay parang lumulutang sa hangin.  Akala ko, tinamaan kami ng bomba, ngunit tinanggal na ang babala ng air raid and di namin kayang ipagtanggol ang sarili.  Ang una kong naisip, ay “O, mamamatay na ako….”

Hindi ako sigurado kung ilang minuto ang lumipas bago ako nagkamalay, at nalaman ko nalang na nakahiga ako sa lupa.  Mayamaya, nang lumiwanag ang paligid, bumalik ang aking paningin at naisip ko “Buhay pa ako!”

Natumba ako sa tabi ng nabuwal na tanke ng gas kaya’t nagasgas ang balat ng aking kamay.  Naisip ko, kalbo ako at nakasuot lang ng kamesang may maiksing manggas at kwelyong bilog at pantalong maiksi noong pumutok ang A-bomb kaya nagkaroon ako ng malubhang paso kung saan walang takip sa aking katawan.  Ngunit sa panahong iyon, hindi ko agad naisip ang matinding sakit sa aking katawan dahil wala akong naramdaman.  Dahil hindi ko makita ang aking mga kaklase na kasama ko sa trabaho, naisip ko ang aking pamilya at ninais kong makauwi.  Noong palakad na ako, nakita ko ang malaking bakal na pultahan ng pabrika na nabuwal na may tatlo ka taong naipit sa ilalim nito.  Sa tulong ng ibang tao sa tabi, naalis namin sila sa pagkakabaon at pagkatapos sinabi ng lahat na “Alis na, alis na” at tumakas kami sa pabrika.

● Kalagayan matapos ang pamomomba
Ang bayan ay napuno sa mga bumagsak na mga gusali at pader, at di ko nakikita ang mga lansangan.  Umuusok ang buong paligid sa nangyaring sunog, at lahat ng naglalakad ay may paso samantalang ang iba’y tumatakas dala-dala ang kanilang mga anak.  Habang naglalakad ako sa ibabaw ng mga labi at mga kahoy na nabuwal, isang pakong naka-usli ang tumusok sa aking sapatos at talampakan ngunit di ko naramdaman ang sakit dahil sa malaking takot ko.  May naririnig akong mga daing na humihingi ng tulong na nanggaling sa mga natambak na mga labi, ngunit nataranta na ako at tuluyan akong naglakad na hindi na tumulong sa mga humihingi ng saklolo.

Noong dumating ako sa bahay namin, nakita kong tuloyan na itong nawasak.  Hindi ko natagpuan ang nanay at ang dalawang ate kahit alam kong nakatigil sila doon.  Napuno ako ng takot sapagka’t labing-dalawang taong gulang pa lang ako noon at naisip kong “Nag-iisa nalang ako sa mundong ito.”  Tinititigan ko nalang ang aming nawasak na tahanan at natuliro kasama sa pag-iisip na “Ito na ang katapusan.” 

Samantalang nag-iisip ako, narinig ko sa ilang taong nagsasabing “Lumalawak ang sunog.  Magsitakas na kayo!” at unti kong nagkaroon ng lakas para tumakas.  Noong lumakad ako patungo sa evacuation site na dati pang napili ng aming pamilya, natagpuan ko ang isang kaklase na nagtatrabaho din sa parehong pabrika na nagngangalang Nakamura.  Siya ay patungo sa tahanan ng kanyang kamag-anak doon sa Mitaki-cho at inanyayahan niya akong sumama noong sinabi niyang “Halika’t magsama tayo.”

Dahil ang Mitaki-cho ay nasa tabi ng bundok, hindi ito masyadong natamaan ng bomba.  Ang bahay ng tiyahin niya’y bintana lang ang nasira.  Pagkakita sa amin, ang sabi ng tiyahin niya, “Salamat at naligtas kayo, salamat.”  Binigyan kami ng kanin pero wala akong ganang kumain.  Noong nakapagpahinga na ako nang kaunti, nagsimula ko nang naramdaman ang sakit sa aking katawan at naisip ko na may masamang nangyari sa akin.  Napaso ang mga bahagi ng aking katawan na hindi nakadamit, kaya ang katawan ko’y puno ng paltos na sobrang laki at namamaga.  Hindi rin ako nakasuot ng sumbrero kaya nasunog din ang aking ulo at kumikirot sa sakit.  Ang sabi nila, pag ang katawan ay 1/3 nasunog, dapat patay ka na.  Pero sa isip ko, mas malala pa ang mga paso ko sa katawan.

Nagsimulang umulan bago umabot ang tanghalian.  Ito’y isang magandang pakiramdam sa aking katawan kaya pinabayaan kong maulanan ako.  Noong tinitigan ko ang ulan, may kislap itong parang gasolina.  Ngunit noong panahon na iyon, hindi ko ito nauunawaan, ngunit sa ngayon, ito pala ang tinatawag na radioactive “Black Rain” o “Itim na Ulan.”

Pagkatapos, nagpaalam ako kay Nakamura at sinimulan kong maglakad ulit upang makarating sa paaralan sa Yasu-mura (ngayo’y Asaminami-ku, lungsod ng Hiroshima), kung saan ang aming evacuation site.  Umiinit ang pakiramdam ng katawan ko kaya kumuha ako ng mga pepino sa bukid at piniga ko ang katas nito sa mga paso ng katawan ko at tuluyang lumakad.

Sa wakas, umabot din ako sa paaralan, ang himpilang pangririlyebo ay bukas at puno ng mga nasalantang tabi-tabing nakahiga parang mga isdang nahuli.  Doon ako nakatanggap ng pangangalagang medikal sa unang pagkakataon, kung saan pinahiran lang ng mantika ang aking mga paso.  Ang paaralan ay punong-puno ng mga nasalanta kaya nilipat ako sa ibang silungan.  Habang palipat ako doon, bigla kong natagpuan ang aking ate na si Tsurue.  Nasa bahay siya noong sumabog ang A-bomb at nakapaikot din ng benda ang kanyang ulong nasugatan.  Nang sa wakas ay nakakita ako ng kamag-anak, naisip ko “Ahh, hindi pala ako nag-iisa,” at ako ay naginhawaan.  Sinabi ng ate ko na ang aming nanay ay ligtas kaya hinanap namin siya.  Siya’y nasa beranda noong sumabog ang A-bomb, kaya ang binti niya ay may malalim na sugat at nagkaroon ng maraming paso sa mukha.  Pagkatapos, nagkasama kami pati ang ate kong si Kazue na nagtatrabaho sa Hiroshima Postal Savings Branch.

Tumira kami sa Yasu-mura hanggang natapos ang digmaan.  Naalala ko ang sobrang ginhawa noong naunawaan kong hindi na kailangang sumama sa digmaan. Tumagal kami ng dalawang linggo sa Yasu-mura, pagkatapos ay lumipat sa bahay ng mga kamag-anak doon sa bayan ng aking tatay sa Gono-mura sa Takata-gun (ngayo’y lungsod ng Akitakata).

Habang lumalala ang aking kalusugan, marami ang nagsasabing “Hindi na siya tatagal pa.”  May doktor na ipinadala sa Gono-mura, kaya isinakay ako sa isang malaking kariton na may dalawang gulong at dinala upang bigyan ng tulong.  Doon sa unang pagkakataon ginamot ang aking mga paso na nilagyan ng puting gamot na pampaso at sa wakas nakatanggap na rin ako ng tulong.  Dahil sa malubhang kalagayan ng aking mga paso, hindi ko maalis ang aking damit kaya kinailangang guntingin ang aking damit.  Mataas ang aking lagnat at kinailangan kong may humawak sa akin para pumunta sa banyo.  Bagama’t sugatan ang aking nanay, pinilit pa rin niya akong alagaan, ang kanyang bunso at nag-iisang anak na lalaki.  Naalala kong nagpuyat ang aking nanay at pinapaypayan ako magdamag at sinasabing “Mainit, di ba?”  Noong nagsisimulang gumaling ang aking mga paso, nagsimula namang dumugo ang aking ilong.  Ang pagdurugo minsan ay hindi mahinto hangga’t nabigyan ako ng iniksyon ng doktor.

Unti-unti akong gumaling at nagsimulang pumasok sa paaralan.  May tatlong mag-aaral sa paaralan na iyon na lumipat din galing sa lungsod ng Hiroshima pagkatapos itong nabomba.

Minsan noong Setyembre, naging mausisa ako kung ano na ang nangyari sa Hiroshima kaya’t nag-iisa akong sumakay ng bus patungo doon.  Sa tabi ng bahay naming nawasak, nakita ko ang dati naming kapitbahay na nakatira sa itinayo nilang kubo at nakausap ko sila.  Mayroon ding ibang mga kubo na itinayo na nagbigay kaunting proteksyon sa ulan.  Pumunta ako sa pabrika ng Nissan Motor Co., Ltd. at nagkataong natagpuan ko ang katiwala ng planta.  Kinumusta niya ako at sinabi niya kung ano ang nangyari noong sumabog ang A-bomb.  Nangilabot ako ulit noong kinuwento niya na umusli ang mga mata ng babaeng kasamahan sa opisina kun saan ako naninilbihan bago sumabog ang bomba.  Mula noon, hindi ko na nakita ang apatnapung kaklaseng nagtatrabaho sa pabrika at hanggang ngayon ay hindi ko na rin alam kung ano ang nangyari sa kanila.

● Muling pagtatayo ng aking buhay
Pagkaraan ng dalawa o tatlong taon, bumalik ako sa lungsod ng Hiroshima upang itayo muli ang aking buhay dahil sa walang trabahong matagpuan sa kabukiran.  Dahil hindi ako nakapag–aral, nahirapan akong humanap ng trabaho.  Gayunman,  nagtrabaho ako bilang tagahatid ng pahayagan, sa mga konstruksyon, at kahit anong trabaho para lang may  pera akong pambili ng pagkain.

Noong ako ay dalawampu’t tatlong taong gulang na, pinasya kong magpakasal, at dahil sa kagustuhan kong malaman ng magiging asawa ko ang aking nakaraan, sinabi ko sa kanya na nakaligtas ako sa A-bomb.  Sa kanyang buong pag-uunawa, pumayag siyang magpakasal sa akin. Noong panahong iyon, maraming impormasyon ang lumalabas sa mga pahayagan tungkol sa mga epekto ng A-bomb sa mga taong nakaligtas, ngunit sinikap kong hindi mag-alala.  Noong ako ay dalawampu’t pitong gulang, isinilang ang aking unang anak na lalaki at kasabay sa panahong iyon ipinasok ako ng bayaw ko sa Toyo Industries Co., (ngayo’y Mazda Motor Corporation).  Mula noon, palagi akong lumilipat ng trabaho, ngunit ang bayaw ko ay nagpapalakas ng loob ko upang magkaroon ako ng pagtitiyaga at kumilos nang masigasig, kaya sinimulan ko ang trabaho na may pagpupunyagi alang-alang sa aking anak.

● Pag –alala sa kalusugan
Habang kausap ko ang mga kasamahan ko sa trabaho sa pang-gabi, nakakilala ako ng isang nakaligtas sa A-bomb habang nasa tulay ng Aioi.  Dahil halos nasa gitna siya sa pamomomba, nagulat ako sa kanyang sinabi.   Nakatanggap siya ng pakiusap galing sa Atomic Bomb Casualty Commission na dumaan sa isang pisikal na iksamen.  Sapagka’t pareho kaming nakaligtas sa A-bomb, kami ay natutuwang nakipag-usap sa isa’t-isa.  Ngunit, ang kanyang pisikal na kalagayan ay humina at na ospital siya, bagama’t minsan pang nakabalik sa trabaho ngunit pumanaw din siya noong umabot sa limampung taong gulang.  Patuloy ang pag-alala ko sa aking kalusugan, kaya naisip kong isang milagro na buhay pa ako hanggang ngayon.  Patuloy akong nagtrabaho hanggang umabot sa edad ng pamamahinga noong ako ay may limampu’t-limang taong gulang.

● Pagnanasa para sa kapayapaan
Ang dahilan kung bakit ako nagpasyang i-kuwento ang karanasan ko sa A-bombing ay dahil ang pisikal na kalagayan ko ay pahina na habang ako’y tumatanda at dahil lumalakas ang aking hangaring ipaalam ito sa mga kabataan.  Ang mga kabataan ngayon, hindi pinipilit na makipag-digmaan katulad noong unang panahon, samantalang malaya nilang gawin ang kanilang kagustuhan.  Nais ko lang ipaunawa sa kanila, kahit kaunti lamang, tungkol sa nangyari animnapu’t-apat na taong nakaraan na di kayang unawain, pati na ang mga damdamin ng mga kabataang nasawi at ang paghihirap ng naunang henerasyon.

Bilang karagdagan, nais kong palakasin ang loob ng mga kabataan upang itaguyod ang mga kilusang para sa kapayapaan, patungo sa pagbuwag sa mga sandatang nukleyar upang hindi na maulit ang aking naranasan.  Walang kaaya-ayang karanasang idudulot ang magkaroon ulit ng pagbobomba.  Hangad kong makita ang pagbibigay wakas sa sandatang nukleyar habang buhay pa ako.

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語