国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Nakita ko ang Impiyerno 
KUWABARA Kimiko(KUWABARA Kimiko) 
Gender Female  Age at time of bombing 17 
Year written 2011 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

● Pamumuhay bago ang pamomomba
Noong panahong iyon, ako ay labing-pitong taong gulang at kasama kong nakatira sa bahay ang aking nanay at nakakatandang kapatid na babae sa Misasa-honmachi 3-chome sa lungsod ng Hiroshima (ngayon ay Nishi-ku). Namatay na aking tatay, at kahit ako ay may tatlong kuya, ang panganay ay may sariling pamilya na, at ang dalawa’y nadestino sa lalawigan ng Yamaguchi.

Nagtratrabaho ako sa Hiroshima Central Broadcast Station sa General Affairs section.  Ang himpilan ay nasa Kami-nagarekawa-cho (ngayon ay Nobori-cho, Naka-ku) at ang katabing lugar niya ay parang naging plasa dahil sa mga bahay na linisan at giniba.  Naalala kong ang aming himpilan ay nagbabalita ng maraming bagay ukol sa militar, kaya’t ang mga bintana ay pinatibayan laban sa paglusob ng mga eroplano.

● Ika-6 ng Agosto
Noong umagang iyon, pinalabas ang babala sa air raid, kaya hindi ako makalabas ng bahay at nahuli ako sa pagpasok sa trabaho.  Tinanggal ang babala at umabot ako sa tanggapan sa may bandang ika-walo ng umaga.  Katulad ng dati, kami ng mga katrabaho ko ay nagsimulang naglinis ng tanggapan alinsunod sa aming nakatakdang tungkulin.  Noong pumasok ako sa tanggapan ng pinuno ng himpilan, narinig ko ang isang babae sa bakuran na sumisigaw, “May B-29 na lumilipad doon.” Noong nais kong usisahin at nang palapit na ako sa bintana, biglang may maliwanag na kislap galing sa labas.   Ang kislap ay katulad sa pulang apoy kapag sumindi ang posporo ngunit ito’y mas matindi. 
Kaagad-agad akong pumikit at tinakpan ang aking mga tainga ng dalawang kamay at umupo sa sahig.  Iyan ang itinuro sa amin kung sakaling magkaron ng pagsabog ng bomba.  Sa gitna ng kadiliman, parang ang pakiramdam ko ay lumulutang, kakaibang pakiramdam na kumakalat sa aking katawan.  Hindi dahil masakit, ngunit kakaiba ang pakirandam ko’t naisip kong ako’y mamamatay.  Noong panahong iyon, hindi ko na napansin na ang pagsabog ay dumurog sa salamin at ang mga maliliit na piraso ay tumusok sa aking mukha at sa kaliwang braso, at tuloy duguan ang aking katawan.  Hanggang ngayon, may mga pira-pirasong pino na naiwan sa aking kaliwang pisngi.

Pagkaraan ng sandali, hindi ako kumibo at narinig ko ang mga boses galing sa pasilyo.  Ang silid ay sukdulang madilim kaya wala akong makita.  Gayunman, naisip kong dapat akong makaalis kaya sinubukan kong sundan ang mga boses sa pasilyo at nabangga ko ang likod ng isang lalaki.  Sa isip ko, “Dapat akong tumakas kasama nitong lalaki…. ako’y buhay pa.”  Hiwakan ko nang mahigpit ang kanyang sinturon at sumunod hanggang malapit na kami sa labasan.  Maraming tao ang naglikom malapit sa labasan kung saan namin tinulak ang mabigat na pinto at nakalabas. Kasing dilim ng bukang-liwayway, at lahat ng bagay na sumabog ay nahuhulog mula sa itaas.  Nakita ko ang mga taong lumabas galing sa himpilan, ang kanilang mga mukha’y maiitim, buhok ay nagsitayo, duguan at punit-punit ang mga damit.  Hindi namin makilala ang isa’t-isa hangga’t narinig namin ang mga boses.

Akala namin pinatatamaan ang himpilan kaya’t malaki ang pagkasira sa pamomomba.  Katabi nito ay ang gusali ng Chugoku Shimbun kung saan ang Station Subscription Section ay may tanggapan, kaya sumama ako sa mga babaeng kawani ng General Affairs Section.  Sa unang pagkakataon, nadama kong hindi lang ang himpilan naming ang nasira.  Lahat ng mga gusali ay bumagsak at nasunog ang buong kapaligiran.  May malakas na apoy na nanggaling sa bintana ng aming tanggapan sa ika-lima’t ika-anim na palapag sa gusali ng Chugoku Shimbun.  Dahil dito, kami ay tumakas patungong Shukkeien Garden na malapit sa himpilan ng tren.  Habang palapit ang sunog, narinig ko ang mga iyak ng mga taong nababaon sa kanilang bahay, taong hinahanap ang kanilang kamag-anak, ngunit ako’y wala nang magawa kundi tumakas kaya’t wala akong maibigay na tulong.

Ang Shukkeien Garden ang ginamit na taguan ng maraming tao.  Tinawid namin ang tulay sa loob ng halamanan papunta sa tabing ilog ng Kyobashi River.  Nagsimulang masunog ang mga puno sa halamanan at patuloy na umabot sa tabing ilog kung saan kami at may isang mataas na punong-kahoy na biglang lumiyab kasama ang isang malakas na pagputok.  Lumundag kami sa ilog na may lalim hanggang dibdib, kung saan namin minasdan ang kapaligiran, ang Ohsuga-cho sa kabilang panig ng ilog ay nasusunog at ang mga lumilipad na tilamsik ay umpisang umulan sa amin.  Ang init na galing sa sunog na kumakalat sa tabing ilog at sa likod namin ay naging matindi kaya’t ginawa naming ulit-ulit na lumubog at umahon sa ilog hanggang gabi.

Maraming tao ang lumikas sa may tabing ilog kaya nawalan na kami ng lugar para makaupo.  Ang mga sundalo ay nakatigil sa malapit dito.  Dahil nakausot sila ng sombrero, mayroon pa ring natirang buhok, ngunit ang buong katawan nila’y lubusang nasunog at sila’y dumaraing sa sakit.  May isang nanay na tahimik na nakatayo’t binuhat ang kanyang sanggol, ang itaas ng kanyang damit ay punit-punit at akala ko patay na ang kanyang sanggol.

Naririnig mo ang mga taong napaso at nasaktan at humihiling ”Pahingi ng tubig, pahingi ng tubig,” at ang iba nama’y nagsasabing “Hindi ka dapat uminon ng tubig.”  Mayroong mga taong malala ang pagkasunog at hindi makayanan ang sakit na lumundag nalang sa ilog.  Halos ang mga lumundag ay hindi na umahon na buhay at natangay nalang sila sa agus ng ilog.  Ang mga bangkay ay lumutang galing sa itaas ng ilog nang halos mapuno ang lapad nito.  Habang nandoon kami sa ilog, dumaraan ang mga lumulutang na bangkay sa amin at itinulak ko para tuluyang lumutang kasama sa daloy pababa ng ilog.  Noong oras na iyon, wala akong nararamdamang takot dahil ako ay galit na galit.  Nasaksihan ko ang tanawing mas malungkot pa kaysa anong larawan ng impiyerno.

Ang sunog ay matindi kaya’t hindi kami makagalaw kahit saan, at nanatili lamang kami buong araw sa tabing ilog ng Shukkeien Garden.  Nang lumubog na ang araw, may maliit na bangkang dumating at hinahanap ang mga kawani ng himpilan.  Nagpasya ang mga kawani na pumunta sa himpilang pangririlyebo sa Eastern Drill Ground at dinala kami ng bangka sa kabilang baybayin ng ilog.  Nag-alala ako sa aking inang nag-iisa sa bahay kaya’t sinabi kong balak kong umuwi at di na tumuloy sa himpilang pangririlyebo.  Sinabi ng kasama ko sa trabaho, ”Huwag kang ulol. Mapanganib ang bumalik sa bayan,” at pinigilan ako.  Dahil ang bahay namin ay nasa Misasa-honmachi, sa kanlurang bahagi ng lungsod ng Hiroshima, kailangan kong dumaan pa sa gitna ng bayan kung saan nababalutan ito ng apoy.  Lahat sila ay tutol, kaya ako’y nag-aatubiling sumama sa kanila, ngunit sa sandaling ako’y nagkaroon ng pagkakataong humiwalay, nakaalis din ako.  Narinig ko nalang ang mga boses ng mga nakapansin na umalis na ako, ngunit sinabi ko nalang, “Patawarin po ninyo ako,” at tuloy na umiwing mag-isa.

● Ang daang pauwi sa amin
Pagkatapos ko iniwan ang aking mga kasamahan sa trabaho, umabot ako sa tulay ng Tokiwa na tumatawid sa ilog ng Kyobashi.  May sunod-sunod na daloy ng mga napinsalang tao galing sa Hakushima na nasa kanlurang bahagi ng tulay pero walang taong patungong kabilang direksyon.  Tapos nakakita ako ng dalawang manggagawa sa kumpaniya ng tren na gustong tumawid ng tulay.  Sila ay patungong himpilan ng Yokogawa at tinanong ko sila kung maari akong sumama sa kanila ngunit sila’y tumanggi at sumagot, “Hindi namin alam kung makakaligtas kami o hindi, kaya hindi ka naming maaring isama.  Pumunta ka nalang sa himpilang pangririlyebo.”   Ngunit hindi ako nakinig at sinundan ko sila sa lihim apat o limang metro ang pagitan sa likod nila.  Habang naglalakad, minsa’y lilingon sila at hihinto ako ngunit tuloy ang pagsusunod ko sa kanila.  Dahil sunod nang sunod ako sa kanila, bumigay na rin sila at sinabing, “Sige, sumunod ka na.  Sundan mo kung saan kami lumakad.” Tinuro nila ang mga delikadong lugar habang lumalakad.

Habang iniwasan ang sunog, dumaan kami sa ospital ng Postal Services Agency at nakarating sa tulay ng Misasa.  May maraming nasaktang sundalo na nakaupo sa bawat panig ng tulay at walang madadaanan.  Marahil sila’y mga sundalo ng 104th Chugoku Unit na nakadestino dito at lahat sila’y dumadaing sa sakit.  Tumawid kami sa tulay, maingat na hindi matapakan ang mga nasaktang sundalo, umabot sa riles ng tren at sinundan ito hanggang sa himpilan ng Yokogawa.  Pagkatapos ay humiwalay na ako sa kanila at naalala kong sinabi nila sa akin, “Mag-ingat kang pauwi sa inyo.”

● Muling pagsasama sa aking ina
Mag-isa akong naglakad patungo sa aming bahay sa Misasa.  Kahit madilim na ang buong paligid, bawat panig ng daan ay patuloy na nasusunog.  Minsa’y tumakbo kapag may malakas na apoy.  Para makauwi, galing sa Yokogawa, dumaan ako sa Misasa, tapos sinundan ko ang isang daang papuntang hilaga hanggang umabot ako sa amin.  Kahit nasunog na ang aming bahay, nakita ko ang aking nanay na nakatayo sa daan.  Lubos ang aking tuwa noong nakita ko siyang buhay, at niyakap ko siya at sabay kaming naiyak.

Nakaupo ang nanay ko sa harap ng salamin sa pangalawang palapag ng aming bahay noong sumabog ang bomba.  Bagama’t ang mga kwarto sa itaas ay bumagsak, ang nanay ay nasa kantong silid kaya hindi ito tuluyang bumagsak.  Dahil hindi na mapapakinabangan ang hagdanan, may taong tumulong sa kanya at nakababa siya.

Nanatiling guho ang aming bahay buong umaga, hanggang naabutan ng apoy at tuluyang nasunog pagdating ng hapon.  Bago nasunog, nakayanan ng nanay kong ihagis ang futon sa labas ngunit kinuha ito ng mga taong dumaraan upang gamiting pangtakip ng kanilang ulo.  May isang uring taguang hinukay sa aming bakuran kung saan tinago naming ang mga mamahaling gamit tulad ng kimono ngunit inabutan din ito ng apoy at tuluyan nasunog.  Kumuha ng tubig sa may sapa ang aking nanay para paulit-ulit na patayin ang apoy sa bahay ngunit nasunog din ang lahat.  Bagama’t pinayuhan siya ng mga kapitbahay na tumakas patungong Mitaki, ngunit nangamba siya sa akin at sa aking kapatid, kaya habang nasusunog ang aming bahay, tumakas siya doon sa bukid sa tapat ng daan at doo’y naghintay hanggang dumating kaming magkapatid.
Noong gabing yon, nanatili kami sa gitna ng bukid.  Maraming taong dumaan sa harapan ng aming bahay magdamag at pabalik-balik ang mga taong nagbigay ng tulong.  Nakatingin kang ako sa mga pangyayari, inisip kong ano ang mangyayari sa akin.  Sa kalagitnaan ng gabi, may mga tauhang pangririlyebo na nagbigay ng kanin, at nang inabut na ako ng antok, nagsimulang sumikat ang araw.

● Paghahanap sa aking kapatid
Kahit hindi pa rin natapos ang daloy ng mga tao sa ika-7 ng Agosto, hindi pa rin umuwi ang kapatid kong si Emiko.  Nangangamba ang aking ina, habang umiiyak sinasabi niyang ”Ano na kaya ang nangyari sa kanya?  Baka namatay na siya…”  Hindi ko matiis makita ang kalagayan ng aking ina, kaya sa sumunod na araw sa ika-8, sumama ako sa kapitbahay na kaibigan ng aking kapatid upang hanapin siya.  Nasaksihan ko muli ang mga eksena ng impyerno.

Ang aking kapatid ay nagtatrabaho sa Hiroshima Central Telephone Bureau sa Shimonakan-cho (ngayo’y Fukuro-machi, Naka-ku).  Nakarating ako sa Yokogawa matapos dumaan sa Tokaichi-machi (ngayo’y Tokaichi-machi 1-chome, Naka-ku) at sinundan ang riles ng trambya.  Nanatili ang mga kalat sa daan ngunit malawak ang riles ng trambya kaya doon ako lumakad.  Ang bayan ay puno ng bangkay kaya nag-ingat ako para wala akong matapakan.  Malapit sa Tera-machi (ngayo’y Naka-ku), nakakita ako ng isang bangkay ng kabayo na magang-maga.  Sa Tokaichi-machi, mayroong isang taong nakatayong walang kibo, ang katawan niya’y sunog at nakadipa ang mga kamay.  Nagtaka ako kung bakit ganoon kaya nilapitan ko at nalaman kong namatay siyang nakatayo.  Kung saan-saan, marami akong nakitang taong nilubog nila ang kanilang ulo sa poso, ang kanilang mga bangkay ay patong-patong sa isang tambak.  Nag-uumapaw ang gilid ng daan sa mga bangkay at sa gitna nito ay may mga naghihingalo at narinig ko ang mga daing at ang iba’y nagsasabing, “Tubig, tubig.”  Walang kahit isang nakaligtas na tao.  Lahat ng damit nila’y nasunog, pati ang kanilang katawan ay namamaga, mukha silang mga manikang nabalot sa uling.  Sa isip ko, kung nahimatay at nakahiga ang aking kapatid dito, hindi ko na siya mahahanap.  Iniwasan kong tapakan ang mga bangkay, tinawid ko ang tulay ng Aioi at umabot sa Kamiya-cho (ngayo’y Naka-ku) ngunit hindi na kami nakalayo pa kaya bumalik na kami sa Misasa.  Naiisip kong hindi makakaligtas ang aking kapatid sa kalagayang ito.

Sa kabutihang-palad, nakauwi siya pagkaraan ng isang linggo pagkatapos sumabog ang bomba.  Kahit malubha siyang nasaktan sa loob ng Telephone Bureau, lumikas siya sa burol ng Hijiyama at dinala sa himpilang pangririlyebo sa Kaitaichi-cho, Aki-gun (ngayo’y Kaita-cho) at nabigyan ng tulong.  Nagtigil siya doon ng isang linggo at noong narinig niya na may trak na papuntang Hiroshima upang magbigay tulong, tinanong niya kung maari siyang isama.  Sinabihan siyang hindi maaring sumakay sa trak ang taong malubhang nasugatan, ngunit nagpasya na siyang umuwi, kaya noong nakita niya ang pagkakataon, lumundag siya sa likod ng trak kaya sinama na siya hanggang sa Tokaichi-machi.  Punit-punit ang damit ng aking kapatid at duguan at nakasuot ng di pares na sapatos.  Kung hindi mo alam ang pangyari, iisipin mo na may sira sa utak ang aking kapatid.  Dahil nasunog ang aming bahay, pinatulog siya ng kapitbahay at kaibigan ng aking nanay sa isang kanto ng kanyang bahay.  Pagkatapos ay pinahiga siya sa kama kung saan siya nanatiling walang katiyakan ang kanyang buhay.

● Pag-aalaga sa aking kapatid
Mga basag na salamin ang nabaon sa likod niya, nahiwa ang bahagi ng kanyang braso katulad sa isang prutas ng granada.  Araw-araw, inaalis ko ang mga basag na salamin ngunit may mga uod ng langaw na nagsimulang gumapang sa may sugat.  Ang anak na babae ng aming kapitbahay ay namatay dahil sa pagsabog ng bomba, kaya’t nag-aalala kaming naabala namin siya kaya’t bumalik na kami sa aming nasunog na bahay.  Dumating ang kuya ko at namulot ng sunog na kahoy upang magtayo ng silungan nang hindi kami maulanan at doon namin tinuloy ang paggamot sa aking kapatid.  Dahil hindi na siya makabangon, hindi namin siya madala sa himpilang pangririlyebo, may nagbigay ng gamot ngunit hindi ito sapat para gamutin siya.  Nawagas ang kanyang buhok at sumuka ng dugo, sa isipan nami’y malapit na siyang pumanaw.  Araw-araw, pumunta ang aking ina sa burol upang pumitas mga dahon ng dokudami (isang damong-gamot ng Hapon), pinakuluan habang sariwa at pinainom sa aming magkapatid.  Matapang ang amoy nito ngunit naniwala ang aming ina na ito’y pamatay-bisa.  Sa palagay ko, may lunas na idinulot ang damong-gamot dahil pagkaraan ng tatlong buwan na nakahiga, nagsimula nanumbalik ang dating lakas ng katawan niya at nakabalik din siya sa trabaho.  Nagsuot siya ng bandana para takpan ang kanyang ulo hanggang sa tumubo ulit ang kanyang buhok.  Ang mga peklat sa sugat ay nanatili kaya’t hanggang ngayon hindi siya nagsusuot ng damit na walang manggas, at ang kanyang braso ay nanatiling yupi.

● Buhay pagkatapos ng digmaan
Nalaman ko sa ibang tao ang tungkol sa katapusan ng digmaan.  Kahit narinig kong tapos na ang digmaan, hindi ko pa rin lubusang maunawaan.  Noong bata pa ako, itinuro sa amin na ang bansang Hapon ay hinding-hindi matatalo at pinaniwalaan ko ito.  Noong nagtrabaho ako sa himpilan, ang mga kuwento ay tungkol sa tagumpay, walang pagkatalo.  Ngunit noong narinig ko na pinasabog din ang A-bomb sa Nagasaki, inisip kong pinakamabuti na matapos ang digmaan upang wala nang bombang tulad nito ang pasasabugin.

Dahil hindi na makikinabangan ang gusali sa Kami-nagarekawa-cho, nilipat ang himpilan sa Toyo Industries Co. sa Fuchu-cho, Aki-gun.  Dahil kailangan kong alagaan ang aking kapatid at dahil may kalayuan ang Toyo Industries, at may balitang baka ang namamahalang mga Amerikano ay mang-aapi sa mga kababaihan, nagbitiw ako sa trabaho.  Pagkatapos ay nakapagtrabaho ako nang isang taon sa isang kumpanyang malapit sa amin, at lumipat sa isa pang kumpaniyang kung saan ako pinakilala ng dating guro bago ako nagpakasal.

Kahit naglakad-lakad ako sa Hiroshima nung ika-6 at ika-8 ng Agosto, wala akong dinanas na malubhang sakit mula sa pagsabog ng A-bomb.  Bagama’t sinabihan ako na maaring makaranas ng ganitong sakit anumang oras, hindi ko inisip ang magkasakit.  Kung sakaling magkasakit ako, doon ko na iisipin.  Ang lalong mahalaga ay kung ano ang gagawin ko sa kinabukasan.

● Pagnanasa sa kapayapaan
Hanggang ngayon ay ayaw kong pag-usapan ang tungkol sa pagsabog ng A-bomb.  Bagama’t nagbibigay pugay ako sa monumentong itinayo para sa mga biktima ng A-bomb taon-taon, hindi na ako bumalik sa Shukkeien Garden kung saan ako tumakas noong ika-6 ng Agosto.  Maganda ang Shukkeien Garden ngunit kapag nakita ko ang arkong tulay na tumatawid sa lawa, maaalala ko ang labis na pagkasuklam sa araw na iyon, kaya hindi ko kayang pumunta doon.  Kung maalala ko ito, iiyak lang ako at mananatili ang mga salita sa aking lalamunan.

Marami sa mga biktima ng A-bomb ay pumanaw na, kaya’t kakaunti nalang ang maaring magkwento tungkol dito.  Bagama’t ako ay tumatanda na, gusto kong ikuwento ang mga eksena ng impyerno na naaalala ko, at buong ipamahagi ang aking karanasan sa mga kabataan upang hindi na kailanmang gamitin ang mga sandatang nukleyar.  Ang aking apo sa mababang paaralan ay mausisa ukol sa digmaan at kapayapaan at tinanong ako “Lola, naranasan mo ba ang A-bomb?”  Hinahangad kong sana’y makalikha tayo ng isang mundong walang makakaranas muli ng kahirapan.

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語