国立広島・長崎原爆死没者追悼平和祈念館 平和情報ネットワーク GLOBAL NETWORK JapaneaseEnglish
 
Select a language / Filipino (Filipino・フィリピノ語) / Memoirs
 
Mga Sugat ng Digmaang Kailan Ma’y Di-nagagaling 
FUJIE Kyoko(FUJIE Kyoko) 
Gender Female  Age at time of bombing
Year written 2010 
Location at time of bombing Hiroshima 
Hall site Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims 

● Sitwasyon bago ang pamomomba
Noong panahon na iyon, ako ay nasa ika-apat na baitang sa Mababang Paaralan ng Ujina.  Ang tatay ko’y apatnapu’t isang taong gulang noong nakatalaga siya sa punong-tanggapan para sa mga barko ng Army Department, kung saan siya nakasakay sa barkong militar sa loob ng higit kumulang sa isang taon.  Umuwi siya sa aming tahanan sa Ujina-machi (sa ngayon ay Minami-ku, lungsod ng Hiroshima) isang beses kada anim na buwan.  Ang aking nanay na may tatlumpu’t isang taong gulang ay isang midwife, kaya kahit mapanganganib sa syudad, hindi siya maaring lumikas dahil sa kanyang mga pasyenteng inaalagaan.  Ang aking nakakabatang kapatid na babae, ay isang taon at limang buwang gulang, at ang aking lola na walumpung taong gulang (nanay ng aking tatay) ay kasama din naming nakatira. Nakatira din sa amin ang aking pinsan sapagka’t gusto ng aking tiyuhin, na nagtratrabaho sa pagawaan ng bapor sa Korea, na mag-aral ang anak niya sa paaralang Hapon.

● Mga alaala ng paglikas ng mga kabataang mag-aaral
Noong Abril 1945, ang mga mag-aaral sa ika-3 hanggang ika-6 na baitang sa Mababang Paaralan ng Ujina ay naisailalim sa paglikas ng mga batang mag-aaral.  Kami ay hiniwalay at pinadala sa Miyoshi-cho, Sakugi-son o Funo-son (sa ngayo’y lungsod ng Miyoshi) sa hilagang bahagi ng lalawigan.  Ako ay napunta sa templong Jojun-ji sa Miyoshi-cho.

Ang pagkain sa templo ay halos purong soybeans.  Ang pagkain ay may kaunting kaning nakadikit sa soybeans, pati merienda ay soybeans.  Minsan nawala ang kanin sa paglalagyanan ng anak ng pari sa templo na nasa mataas na paaralan.   Lahat kami ay pinalabas at pinaupo ng mga guro doon sa bulwagan ng templo at sinabihan na “Kung sino man ang nagnakaw ng kanin ay magsalita na ngayon.”

Malapit sa templo ay may malaking tulay pinangalanang Tomoe na may katabing dambana.  Sa may dambana ay may malaking puno ng cherry na namumunga.  Ang mga nakakatandang bata ay aakyat sa puno at mamimitas para kainin nila.   Hindi ko naunawaan bakit sinabihan nila akong tumayo sa ilalim ng puno at magbantay.  Habang nakatayo ako, bigla nalang narinig ko ang sigaw ng isang matandang lalaki at hinuli ako.  Tumingin siya sa itaas ng puno at sinigawan ang ibang mga bata “Bumaba kayo dyan.”  Hawak ng matanda ang aking kamay at ako ay umiiyak noong tinanong niya kung taga saan ako.  Noong sinabi kong taga Jojun-ji ako, binitawan niya ang kamay ko.  Nagsalita ang matanda at sinabing “May mga tanim akong sibuyas at iba pa sa ilalim ng puno.  Pag tinapakan ninyo iyon, hindi na maaring kainin.  Hindi niyo pwedeng gawin yan.  Itigil ang pag-iyak mo.”  Noong gabing iyon, ang matandang lalaki ay nagdala ng pinasingawang kamote at iba pang pagkain.  Noong una akala ko mukhang nakakatakot ang matanda ngunit mabait pala siya.  Siguro naiisip niyang kawawa naman kami at nagnanakaw ng cherries para makain dahil kami ay sobrang gutom.

Ang mga nailikas na mga batang mag-aaral ay paminsan-minsang nakatanggap ng kendi galing sa kanilang mga magulang.  Gayunma’y hindi na namin ito natikman.  Pinadalhan ako ng kending gawa sa soybeans pero kinuha ng mga guro.  Sabi ng mga nakakatandang bata, ang mga guro daw ang kumain ng mga padala.

Mayroong nakakatakot na kumalat na kuto sa amin.  Nilatag namin ang pahayagan and sinuklay ang buhok namin para maalis ang kuto.  Umitim ang kuto sa dami ng dugo na nasipsip nila at dinurog namin.  Pagkatapos naming nagsuklay, inilatag namin ang aming kamesa sa beranda ng templo sa ilalim ng init ng araw.

● Ika-6 ng Agosto
Isang linggo bago inihulog ang bomba, nakauwi ang aking ama galing sa ibayong-dagat kaya nagmadali akong umuwi para makita siya.  Dapat akong bumalik sa templo sa ika-5 ng Agosto ngunit hindi ako nakakuha ng tiket kaya sa ika-6 ng Agosto ako may tiket.

Noong umaga ng ika-6 ng Agosto, hinatid ako sa himpilan ng Hiroshima ng aking nanay na karga sa likod niya ang kapatid kong babae.  May isang matandang babaeng kalapit-bahay ko at magbibisita sa apo niyang nilikas sa Miyoshi, kaya sabay kaming sumakay sa tren.  Sumakay kami sa Geibi Line na patalikod patungong Miyoshi.  Noong malapit na kaming pumasok sa unang lagusan, may nakita akong tatlong parasiyut.  Kapapasok lang namin sa lagusan nang may pagsabog ng bomba.

May malakas na ingay na umalingawngaw sa aking mga tainga.  Dahil nakaupo ako, walang nangyari sa akin ngunit lahat ng nakatayo, pati yung mga may edad, ay natumbang palikod at nabuwal.  Hindi ako nakarinig nang mabuti at parang may bato na nakaharang sa aking tainga.

Pagkalabas ng lagusan, hindi kapani-paniwalang ganda ang usok na galing sa bomba.  Ako at ang matanda ay nanood na lamang at sinabing “Aba, nakapagtataka.”  Dahil sa aking kamusmusang pag-iisip, hindi ko mawari kung ano na ang nangyari sa Hiroshima.

Pagkarating namin sa Miyoshi, sinabi ng matanda sa akin na “Ayon sa radio, lubusang nawasak ang buong Hiroshima.”  Ngunit hindi ko pa rin nauunawaan ang lahat kaya pumasok ako sa paaralan at nagtabas ng damo.  Sa unang pagkakataon, dumating ang trak na may sakay ng mga biktima ng bomba galing Hiroshima.  Nagulat ako noong makita ko ang mga biktimang lubusang napaso na bumaba sa trak.  May isang taong pilit na hinawakan ang balat ng kanyang mukha na halos tumulo na sa kanyang pisngi, may isang babaeng punit-punit ang dibdib, at isang lalaking may hawak ng binaliktad na kawayang walis para gamiting tungkod.  Naalala ko pa lahat yong eksena hanggang ngayon.  Hindi ako natakot pero hindi rin ako makapaniwala.

● Ang karanasan ng aking pamilya sa pagsabog ng A-bomb
Nakaraan ang tatlong araw pagkatapos ng pagsabog, nakatanggap ako ng balita mula sa aking pamilya.  Noong ika-12 o ika-13 ng Agosto, bumalik ako sa Hiroshima sakay ang tren kasama ang isang kapitbahay na nasa ika-6 na baitang na nagngangalang Nobu-chan.  Sinundo ako ng aking ama sa himpilan ng Hiroshima at lumakad kami sa daan sa tabi ng burol ng Hijiyama.  Naalala kong kinuwento ng tatay ko habang naglakad kami ang tungkol sa aming pamilya at sinabi niya na “Walang mabubuhay dito muli sa darating na pitumpung taon.”

Noong umabot kami sa bahay, nakita ko ang aking nanay na nakabalot ng kumot mula ulo hanggang paa.  Nakabalot siya sa kumot upang hindi manganak ang mga langaw dahil napuno ng paso ang kanyang buong katawan.  Ang aking kapatid na babae ay mayroong maraming paso sa mukha at nangitim.  Ang kanyang mga kamay at paa ay malubhang napaso kaya’t binalot din ito ng kumot.  Dahil siya ay musmos pa, natakot siya sa anyo ng aming nanay kaya laging umiiyak.

Noong hinulog ang A-bomb, ang nanay at ang kapatid kong babae ay naghintay ng trambya sa tulay ng Enko.  Isang oras bago bumagsak ang bomba, noong tumunog ang sirena, pinahiram niya sa kapitbahay naming matandang babae ang kanyang talukbong laban sa air-raid sa dahilang nakalimutan ng matanda.  Dahil dito, nalantad siya sa sinag ng A-bomb.  Dahil karga niya ang aking kapatid sa likod, nasunog ang kanyang kaliwang paa, kamay at mukha.  Binaba niya ito at nilubog sa tubig nang ilang beses habang tumakbo sila patungong Eastern Drill Station sa likod ng himpilan ng Hiroshima.

Ang lola ko ay nasa bahay noong sumabog ang bomba.  Kahit hindi nasunog ang bahay, matindi ang pagkasirang inabot nito.
Dalawang buong araw na naglakad at naghanap sa aking nanay at kapatid ang aking tatay at pinsan sa lungsod ng Hiroshima.  Noong natagpuan nila, dahil sa matinding pagkasunog ng aking ina, ang buong katawan niya ay namaga kaya’t hindi matiyak kung siya ay lalaki o babae.  Noong ika-6 ng Agosto, nagkataong suot ng nanay ko ang damit na gawa sa telang bigay ng aking tatay mula sa ibang bansa.  Tinali ng aking nanay ang ritasong tela sa kamay ng aking kapatid bilang palatandaan.  Nakilala ng aking kapatid na isang taong gulang ang aking pinsan kaya tinawag niya ito, “A-chan.”  Noong nakita nila ang ritasong tela, alam nila na sila na nga ito.  Sinabi ng nanay ko “Hindi na ako tatagal pa, kaya kunin mo na ang anak natin at umuwi na kayo,” ngunit isinakay ng tatay ko sa malaking kariton na may dalawang gulong at inuwi silang dalawa.

● Ang pagkamatay ng aking ina
Namatay ang aking nanay noong ika-15 ng Agosto.  Ginamit ng tatay ko ang isang matandang punong-kahoy para gumawa ng isang simpleng kabaong at sinunog namin siya sa bakanteng lote sa likod ng aming bahay.  Halos lahat ay doon sa lote isinusunog, kaya ang lahat ng amoy ay pumapasok sa bahay at ito’y nakapandidiri.

Ipinahayag ng nanay sa aking lola ang kanyang mga panghuling salita, “Nanay, nais ko pong kumain ng malaking patatas.”  Dahil sa kakulangan ng pagkain noong panahon ng digmaan, dadalhin ng nanay ko ang mga damit at iba pang gamit sa probinsya para ipagpalit ng patatas at iba pang pagkain.  Sa tingin ko, kinain lang niya ang mga maliliit na patatas na nagmula sa palitan.  Ang mga maliliit na patatas ay may mapait na lasa at maaring hindi na kinakain ngayon.

Para ipagdasal ko ang pamamayapa ng kaluluwa ng aking nanay, lagi akong nakikisama sa Toro Nagashi (pagdiriwang kung saan ang mga parol na papel ay pinalulutang sa ilog).  Nag-alay ako ng malalaking nilagang patatas.  Hanggang ngayon, kapag may nakikita akong malalaking patatas, naalala ko kung paano kong ibigay ito sa aking nanay.

●Ang aming bayan pagkatapos ng digmaan
Isang malawak na lugar sa tabing ilog sa ibabaw ng Mababang Paaralan ng Ujina ay ginamit para pangsunog nga mga bangkay.  Ang mga bangkay ay ibinalot sa yero at sinunog.  May butas sa yero para sa ulo ng bangkay.  Kaming mga bata ay dumadaan dito papunta sa dagat para lumangoy.  Minsan, naisip ko, “Ang ulo ng bangkay ay ngayo’y nasusunog.”  Natatapakan ko rin ang maraming buto tuwing dumadaan ako.  Sa tingin ko, ginamit itong pangsunog ng mga bangkay hanggan umabot ako sa ika-6 na baitang sa mababang paaralan.

Ang buhay pagkatapos ng digmaan ay puno ng kamalasan hindi lang sa amin; lahat ay dumaan sa magkaparehong paghihirap.

● Ang aking kapatid na babae pagkatapos ng digmaan
Ang aking kapatid na babae na kasama ng aking ina noong sumabog ang bomba ay naligtas.  Noong panahong iyon, sinabi ng mga tao, isang milagro para mabuhay ang maliit na bata pagkatapos ng pagsabog ng bomba.  Habang siya’y lumalaki, palaging naririnig ng aking kapatid “Kahangahanga na ikaw ay naligtas. Kahangahanga na ikaw ay buhay.”

Gayunman, ang aking kapatid ay nagtamo ng maraming peklat sa paa at ito’y pumangit.  Hindi siya makasuot ng sapatos, kaya lagi siya nakasuot ng geta (bakya ng mga Hapones).  Noong mga araw na iyon, maraming tao ang nagsusuot ng geta, kaya hindi ito naging problema sa araw-araw na buhay, ngunit nagkaroon ng problema kapag may lakad o paligsahan ng palaro dahil hindi siya makasuot ng geta.  Gayunman, dahil hindi maiwasan, dalawang pares ng medyas pansundalo ang isinuot niya.

Dahil sa kanyang mga paa, lagi siyang tinutukso.  Noong mga panahong iyon, may mga usap-usapan na nakakahawa ang sakit ng A-bomb, at laging tinuturo ang aking kapatid at sinasabing “Ang mga daliri niya ay nalulusaw,” o “kung tinitingnan mong malapitan, mahahawa kayo.”  Kahit lumipas na ang ilang taon pagkatapos ng pagsabog ng A-bomb, noong nasa mababang paaralan na siya, tinuturing siyang nakakatakot at mayroon pang ibang dumayo para makita lang siya.

Gayunpaman, hindi sinabi sa amin o sa lola namin na minaltrato siya.  Hindi siya nagreklamo sa kanyang sakit at tanong lang niya na ”Lola, milagro ba talaga na  nabuhay ako?”  Parang mula noong kamusmusan niya, inulit-ulit niya sa kanyang isipan na “Isang milagro na naligtas ako. Kahit malubha ang aking pagkapaso, nagpapasalamat na buhay ako.”  Kamakailan lang, binasa ko ang mga sulat ng kapatid ko.  Isa sa mga sinulat niyang nabasa ko “Noong panahong iyon, mas ninasa ko pang mamatay,” naisip ko tuloy kung gaano kahirap ang pinagdaanan niya.

Sinabihan siyang maari lang operahan ang paa niya kapag umabot na siya sa labinlimang taong gulang.  Noong bakasyon sa mataas na paaralan, natupad na rin ang operasyon na matagal na niyang dinarasal.  Pinagmimithi niya ang operasyon upang makakasuot na siya ng sapatos pagpumasok na sa mataas na paaralan.  Ngunit hindi pa rin nangyaring makasuot siya ng sapatos.  Kahit nalipat ang balat mula sa tiyan at likuran para ayusin ang hugis ng kanyang paa, nangitim ang balat at nakalabas pa din ng tatlong sentimetro ang daliri sa paa.  Bago ang operasyon, sinabi niyang “Sa wakas, makakasuot na rin ako ng sapatos gaya ng lahat,” ngunit kahit pagkaraan ng animnapu’t-limang taon mula noong pagsabog ng A-bomb, hindi pa rin siya makasuot ng sapatos na normal.

Dahil nagagasgas ang daliri niya sa paa at sumasakit, sinubukan niyang magsuot ng sapatos na may butas para nakalabas ang daliri, ngunit ito’y tumatama sa butas at nasusugatan.  Walang araw na dumaan na hindi dumugo ang daliri niya.  Inisip niyang hindi mapalagay ang loob ng ibang tao kapag nakita ang sapatos na may dugo, kaya kinulayan niya ng toothpaste ang dugong natuyo.

Noong pumasok siya sa Ospital para sa mga Biktima ng A-bomb, nakilala niya si Dr. Tomin Harada at sinabihan siya na “Huwag kang mag-atubiling sabihin sa akin kung may gusto kang pag-usapan.”  Noong natapos siya sa mataas na paaralan, kinausap niya si Dr. Harada at pinakilala sa kanya ang isang pastor na Hapones na nakatira sa Los Angeles.  Dahil namatay na ang aming ama bago siya nakapasok sa mataas na paaralan, mahigpit ang pera sa pamilya noon.  Isang guro sa mataas na paaralan ang nagpakilala sa kanya na makahanap ng trabaho kung saan sinikap niyang magtrabaho nang maigi hanggang sa kanyang ika-dalawampung taong gulang kung kailan naka-ipon siya ng perang pambili ng isang tiket patungong Amerika.

Kinupkop siya ng pastor at nakapasok sa palabahan, kung saan siya nagkaroon ng pera para sa araw-araw na gastusin.  Sa tingin ko, maraming paghihirap ang kanyang naranasan, ngunit ibinigay niya ang lahat at hanggang ngayo’y nakatira siya sa Los Angeles.  Bagama’t naisip niya na hindi na siya makakapag-asawa nang normal, nag-asawa siya sa isang Hapones na nakatira sa Amerika at biniyayaan sila ng tatlong anak.

● Mga pangyayari sa Osaka
Pagkaraan ng isang linggo matapos ang operasyon ng aking kapatid, binisita ko ang aking kaibigan sa Osaka.  Sinabi ng kapatid ko “Maigi na ang kalagayan ko kaya pumunta ka na sa Osaka.”

Sumakay ako ng lokal na express tren at gabi na noong umabot ako at dahil hindi ko alam ang bahay ng kaibigan ko, huminto ako sa himpilan ng pulis.  Bagama’t siya ay batang pulis, mabait siya at sinamahan ako nang halos isang oras para hanapin ang kinatitirahan.  Noong nahanap na namin ang bahay ng aking kaibigan, sinabi kong “Maraming salamat. Ikaw ay napakamatulungin.”  Nagtanong siya kung taga saan ako, at sinabi kong taga Hiroshima ako.  Bigla siyang napaatras at sinabing “Ang Hiroshima na pinasabog ng A-bomb?”  Sinagot ko na “Oo” at sumagot siya “Isang babaeng taga-Hiroshima-- hindi kaaya-aya para sa akin.  Isang babaeng taga-Hiroshima na natamaan ng pagsabog sa bomba?”  Sinabi niya ito na parang mahahawa siya sa peligrong sakit galing sa akin.  Nooong panahong iyon, hindi ko masyadong naisip ang epekto ng A-bomb kaya’t ako’y nagulat sa nangyari.

Hindi ko masabi sa kapatid ko ang nangyari.  Kinuwento ko ito sa aking kaibigan sa Osaka at sinabihan akong “Huwag na huwag mo nang sabihin sa kapatid mo ang nangyari dahil masasaktan lang siya.”  Pagkatapos noon, hindi ko na sinasabing taga-Hiroshima ako.

● Pangyayari sa tindahan ng damit
Itong pangyayari ay mahigit sampung taon nang nakalipas noong tinutulungan ko ang isang customer sa tindahan ng damit.  Isang taong hindi ko kakilala ay biglang nabanggit ang pangalan ng kapatid ko at tinanong kung ako ang nakakatandang kapatid niya.  Ang sagot ko ay “Oo, bakit? Kilala mo siya?” Noong panahon na iyon, ang taong ito ay nakatira sa Furue, at ang tsismis tungkol sa aking kapatid ay umabot pa hanggang doon.

Dahil ditto sa nangyari sa Osaka, ginusto ko nang pumunta siya sa Amerika.  Sa isip ko kung gusto niyang iwanan ang panunukso at diskriminasyon dito sa Hapon, at pumunta sa bansang walang may alam tungkol sa kanya, malamang mahahanap niya doon ang kaligayahan.

● Ang pagnanasa ng kapayapaan
Sa tingin ko, hindi talaga mauunawaan ng ibang tao ang sakit na nararamdaman ng mga nakaligtas ng A-bomb kung hindi nila ito naranasan.  Ang maputol ang daliri malamang ang unang pagkakataong makaranas ng sakit ngunit ang sakit dulot sa pagkahiwa ng katawan ay di-kapanipaniwala.  Sa ganoong dahilan, mahirap talagang ipaabot kung paano ang makaranas ng A-bomb.

Ang sugat ng digmaan ay abot sa pinakalooban ng aming puso.  Hindi lang mga sugat sa labas, kundi pati iba pang mga sugat na nanatili pagkalipas ng ilang dekada, kumikirot pa rin.  Ayaw pag-usapan ng aking kapatid ang digmaan o A-bomb mula pa noong bata kami, kaya lagi siyang iiwas tuwing napag-uusapan namin.  Noong lumipat siya sa Amerika, lagi siyang nagsuot ng makapal na medyas para matago ang mga sugat niya at hindi niya gustong pag-usapan ang pagsabog ng A-bomb.

Ang digmaan ay dapat lubos-lubusang ilansag.

 
 

HOMEに戻る Top of page
Copyright(c) Hiroshima National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
Copyright(c) Nagasaki National Peace Memorial Hall for the Atomic Bomb Victims
All rights reserved. Unauthorized reproduction of photographs or articles on this website is strictly prohibited.
初めての方へ個人情報保護方針
日本語 英語 ハングル語 中国語 その他の言語